Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MARCOS 1:35-45

MARCOS 1:35-45 ABTAG01

Nang madaling-araw, habang madilim pa, pagbangon ni Jesus ay lumabas siya at nagtungo sa isang ilang na lugar, at doon ay nanalangin. Hinanap siya ni Simon at ng mga kasamahan niya. Siya'y natagpuan nila, at sinabi sa kanya, “Hinahanap ka ng lahat.” Sinabi niya sa kanila, “Pumunta tayo sa iba pang mga karatig-bayan upang ako'y makapangaral din naman doon, sapagkat dahil dito ako'y naparito.” At nagpunta siya sa buong Galilea na nangangaral sa kanilang mga sinagoga at nagpapalayas ng mga demonyo. Lumapit sa kanya ang isang ketongin na nakikiusap at nakaluhod na nagsasabi, “Kung gusto mo, maaari mo akong linisin.” Dahil sa awa, iniunat ni Jesus ang kanyang kamay, hinipo ang ketongin at sinabi sa kanya, “Gusto ko, maging malinis ka.” At kaagad na nawala ang kanyang ketong at siya'y naging malinis. Pagkatapos na mahigpit siyang binalaan, kaagad niya itong pinaalis. Sinabi niya sa kanya, “Tiyakin mong wala kang sasabihin kaninuman kundi pumunta ka at magpakita sa pari at maghandog ka para sa pagkalinis sa iyo ayon sa ipinag-utos ni Moises bilang isang patotoo sa kanila.” Ngunit siya'y umalis at nagsimulang magsalita nang malaya tungkol dito at ikinalat ang balita, kaya't hindi na hayagang makapasok si Jesus sa bayan, kundi nanatili siya sa mga ilang na lugar at pinuntahan siya ng mga tao mula sa lahat ng panig.