Pagkatapos ay pumunta si Jesus na kasama sila sa isang pook na tinatawag na Getsemani, at sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Maupo kayo rito, samantalang ako'y pupunta sa dako roon at mananalangin.”
Isinama niya si Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo, at nagpasimula siyang malungkot at mabagabag.
At sinabi niya sa kanila, “Lubhang nalulungkot ang aking kaluluwa na halos ay ikamatay. Manatili kayo rito at makipagpuyat sa akin.”
Paglakad pa niya ng malayu-layo, siya'y nagpatirapa at nanalangin, na nagsasabi, “Ama ko, kung maaari, lumampas sana sa akin ang kopang ito; gayunma'y hindi ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.”
At lumapit siya sa mga alagad, at sila'y kanyang naratnang natutulog, at sinabi niya kay Pedro, “Samakatuwid, hindi ninyo kayang makipagpuyat sa akin ng isang oras?
Kayo'y maging handa at manalangin, upang hindi kayo madaig ng tukso. Ang espiritu ay tunay na nagnanais subalit ang laman ay mahina.”
Muli, sa ikalawang pagkakataon, umalis siya at nanalangin, na nagsasabi, “Ama ko, kung hindi maaaring lumampas ito, malibang inumin ko ito, ang iyong kalooban ang siyang mangyari.”
At muli siyang lumapit at naratnan silang natutulog, sapagkat antok na antok na sila.
Kaya sila'y muli niyang iniwan, at umalis, at nanalangin sa ikatlong pagkakataon na sinasabi ang gayunding mga salita.
Pagkatapos ay lumapit siya sa mga alagad at sinabi sa kanila, “Natutulog pa rin ba kayo at nagpapahinga? Masdan ninyo, malapit na ang oras, at ang Anak ng Tao ay ipinagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan.