Pagpasok niya sa templo, lumapit sa kanya ang mga punong pari at ang matatanda ng bayan habang siya'y nagtuturo, at sinabi nila, “Sa anong awtoridad mo ginagawa ang mga bagay na ito, at sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na ito?”
Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Tatanungin ko rin kayo ng isang tanong, at kung sasabihin ninyo sa akin ang sagot ay sasabihin ko naman sa inyo kung sa anong awtoridad ginagawa ko ang mga bagay na ito.
Ang bautismo ni Juan, saan ba ito nagmula? Mula ba sa langit o mula sa mga tao?” At nagtalo sila sa isa't isa na nagsasabi, “Kung sasabihin natin, ‘Mula sa langit,’ sasabihin niya sa atin, ‘Bakit nga hindi ninyo siya pinaniwalaan?’
Ngunit kung sasabihin natin, ‘Mula sa mga tao,’ natatakot tayo sa napakaraming tao, sapagkat kinikilala ng lahat na propeta si Juan.”
Kaya't sumagot sila kay Jesus, at sinabi, “Hindi namin alam.” Sinabi naman niya sa kanila, “Hindi ko rin naman sasabihin sa inyo kung sa anong awtoridad ginagawa ko ang mga bagay na ito.
“Ano sa palagay ninyo? May isang taong dalawa ang anak. Lumapit siya sa una, at sinabi, ‘Anak, pumunta ka ngayon sa ubasan at magtrabaho.’
Ngunit sumagot siya at sinabi, ‘Ayaw ko’; ngunit pagkatapos ay nagbago ang kanyang isip at pumunta rin.
Lumapit ang ama sa ikalawa, at gayundin ang sinabi. Sumagot siya at sinabi, ‘Pupunta po ako,’ ngunit hindi pumunta.
Alin sa dalawa ang gumanap ng kalooban ng kanyang ama?” Sinabi nila, “Ang una.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang mga maniningil ng buwis at ang mga masamang babae ay nauuna sa inyo sa pagpasok sa kaharian ng Diyos.
Sapagkat dumating sa inyo si Juan sa daan ng katuwiran, at hindi ninyo siya pinaniwalaan; ngunit pinaniwalaan siya ng mga maniningil ng buwis at ng masasamang babae, at kahit nakita ninyo ay hindi rin kayo nagsisi at naniwala sa kanya.
“Pakinggan ninyo ang isa pang talinghaga: May isang tao na pinuno ng sambahayan, na nagtanim ng isang ubasan, at binakuran niya ang palibot nito. Humukay siya roon ng isang pisaan ng ubas at nagtayo ng isang toreng bantayan. Ipinagkatiwala niya iyon sa mga magsasaka at nagtungo siya sa ibang lupain.
Nang malapit na ang panahon ng pamumunga, sinugo niya ang kanyang mga alipin sa mga magsasaka upang kunin ang mga bunga nito.
Ngunit kinuha ng mga magsasaka ang kanyang mga alipin at binugbog nila ang isa, pinatay ang iba, at pinagbabato ang isa pa.
Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin na mas marami pa sa nauna; at gayundin ang ginawa nila sa kanila.
Sa kahuli-huliha'y sinugo niya sa kanila ang kanyang anak na lalaki, na nagsasabi, ‘Igagalang nila ang aking anak.’
Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, sinabi nila sa kanilang sarili, ‘Ito ang tagapagmana; halikayo, patayin natin siya at kunin natin ang kanyang mana.’
Kaya't kanilang kinuha siya, itinapon sa labas ng ubasan, at pinatay.
Kaya't pagdating ng panginoon ng ubasan, ano kaya ang gagawin niya sa mga magsasakang iyon?”
Sinabi nila sa kanya, “Dadalhin niya ang mga masasamang taong iyon sa kakilakilabot na kamatayan at ang ubasan ay ipagkakatiwala niya sa ibang mga magsasaka na magbibigay sa kanya ng mga bunga sa kanilang kapanahunan.”
Sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ba ninyo kailanman nabasa sa mga kasulatan,
‘Ang batong itinakuwil ng mga tagapagtayo
ang siyang naging ulo ng panulukan;
ito ay mula sa Panginoon,
at ito'y kamanghamangha sa ating mga mata?’
Kaya sinasabi ko sa inyo, ‘Kukunin sa inyo ang kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bansang nagbibigay ng bunga nito.’
[Ang mahulog sa ibabaw ng batong ito ay madudurog, subalit dudurugin nito ang sinumang mabagsakan niya.]”
Nang marinig ng mga punong pari at ng mga Fariseo ang kanyang mga talinghaga, nahalata nilang siya'y nagsasalita tungkol sa kanila.
Ngunit nang naisin nilang dakpin si Jesus, ay natakot sila sa napakaraming tao, sapagkat itinuring nila na siya'y isang propeta.