Minsan, nang si Jesus ay nananalanging mag-isa, ang mga alagad ay kasama niya at tinanong niya sila, “Ano ang sinasabi ng karamihan kung sino ako?”
Sila'y sumagot, “Si Juan na Tagapagbautismo; subalit sinasabi ng iba, si Elias; at ng iba, na isa sa mga propeta noong unang panahon ay muling nabuhay.”
At sinabi niya sa kanila, “Subalit ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?” At sumagot si Pedro, “Ang Cristo ng Diyos.”
Subalit kanyang ipinagbilin at ipinag-utos sa kanila na huwag itong sabihin kahit kanino,
na sinasabi, “Ang Anak ng Tao ay kailangang magdusa ng maraming bagay at itakuwil ng matatanda at ng mga punong pari at mga eskriba, at patayin, at sa ikatlong araw ay muling bubuhayin.”
At sinabi niya sa lahat, “Kung ang sinuman ay nagnanais sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili at magpasan ng kanyang krus araw-araw at sumunod sa akin.
Sapagkat ang sinumang nagnanais na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito, subalit sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay maililigtas niya ito.
Sapagkat ano ang mapapakinabang ng tao, kung makamit niya ang buong sanlibutan, ngunit mawawala o mapapahamak naman ang kanyang sarili?
Sapagkat ang sinumang ikahiya ako at ang aking mga salita ay ikahihiya siya ng Anak ng Tao, pagdating niya na nasa kanyang kaluwalhatian, at sa kaluwalhatian ng Ama, at ng mga banal na anghel.
Subalit tunay na sinasabi ko sa inyo, may ilan sa nakatayo rito na hindi makakalasap ng kamatayan, hanggang sa makita nila ang kaharian ng Diyos.”
At pagkaraan ng mga walong araw pagkatapos ng mga salitang ito, isinama ni Jesus sina Pedro, Juan, at Santiago, at umahon sa bundok upang manalangin.
Samantalang siya'y nananalangin, ang anyo ng kanyang mukha ay nagbago at ang kanyang damit ay naging nakasisilaw na puti.
At biglang may dalawang lalaking nakikipag-usap sa kanya, sina Moises at Elias,
na nagpakita sa kaluwalhatian at nag-usap tungkol sa pagpanaw niya na malapit na niyang isakatuparan sa Jerusalem.
Si Pedro at ang kanyang mga kasamahan ay nakatulog nang mahimbing, subalit nang sila'y nagising ay nakita nila ang kanyang kaluwalhatian at ang dalawang lalaking nakatayong kasama niya.
At samantalang sila'y papalayo sa kanya, sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabuti na tayo'y dumito. Gumawa tayo ng tatlong tolda, isa sa iyo, isa kay Moises, at isa kay Elias,” na hindi nalalaman ang kanyang sinabi.
Samantalang sinasabi niya ang mga bagay na ito, dumating ang isang ulap, at sila'y nililiman. Sila'y natakot nang sila'y pumasok sa ulap.
At may tinig na nanggaling sa ulap na nagsasabi, “Ito ang aking Anak, ang aking Pinili, makinig kayo sa kanya!”
Pagkatapos magsalita ng tinig, si Jesus ay natagpuang nag-iisa. At sila'y nanatiling tahimik at hindi sinabi kanino man ng mga araw na iyon ang alinman sa mga bagay na kanilang nakita.