Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LUCAS 6:17-49

LUCAS 6:17-49 ABTAG01

Bumaba siya na kasama nila at tumayo sa isang patag na lugar. Naroon ang marami sa kanyang mga alagad at ang napakaraming tao buhat sa Judea at sa Jerusalem at sa baybayin ng Tiro at Sidon, na pumaroon upang makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga sakit; at ang mga pinahirapan ng masasamang espiritu ay pinagaling. Pinagsikapan ng lahat na siya'y mahipo, sapagkat may kapangyarihang nanggagaling sa kanya at pinagaling niya ang lahat. Tumingin siya sa kanyang mga alagad at sinabi, “Mapapalad kayong mga dukha, sapagkat sa inyo ang kaharian ng Diyos. Mapapalad kayong nagugutom ngayon, sapagkat kayo'y bubusugin. Mapapalad kayong tumatangis ngayon sapagkat kayo'y tatawa. Mapapalad kayo kung kayo'y kapootan ng mga tao, kung kayo'y layuan at kayo'y alipustain, at itakuwil ang inyong pangalan na tila masama dahil sa Anak ng Tao. Magalak kayo sa araw na iyon at lumukso kayo sa tuwa, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit, sapagkat gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta. “Subalit kahabag-habag kayong mayayaman, sapagkat tinanggap na ninyo ang inyong kaaliwan. “Kahabag-habag kayong mga busog ngayon, sapagkat kayo'y magugutom. “Kahabag-habag kayong tumatawa ngayon, sapagkat kayo'y magluluksa at magsisiiyak. “Kahabag-habag kayo kapag ang lahat ng mga tao ay nagsasabi ng mabuti tungkol sa inyo, sapagkat gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta. “Subalit sinasabi ko sa inyo na mga nakikinig, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo at ipanalangin ninyo ang mga umaapi sa inyo. Sa sinumang sumampal sa iyo sa pisngi, iharap mo naman ang kabila, at sa sinumang umagaw ng iyong balabal, huwag mong ipagkait pati ang iyong tunika. Bigyan mo ang bawat humihingi sa iyo; at kapag inagaw ng sinuman ang iyong ari-arian, huwag mo nang bawiin ang mga iyon. Kung ano ang ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, gayundin ang gawin ninyo sa kanila. Kung kayo'y umiibig sa mga umiibig sa inyo, ano ang mapapala ninyo? Ang mga makasalanan man ay umiibig sa mga umiibig sa kanila. At kung gumawa kayo ng mabuti sa mga gumagawa sa inyo ng mabuti, ano ang mapapala ninyo? Sapagkat gayundin ang ginagawa ng mga makasalanan. Kung kayo'y magpahiram lamang sa mga taong mayroon kayong inaasahang tatanggapin, ano ang mapapala ninyo? Ang mga makasalanan man ay nagpapahiram sa mga makasalanan, upang tanggapin nilang muli ang gayunding halaga. Subalit ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti, magpahiram kayo na hindi umaasa ng kapalit. Malaki ang magiging gantimpala ninyo, at kayo'y magiging mga anak ng Kataas-taasan, sapagkat siya'y mabait sa mga di-mapagpasalamat at sa masasama. Maging maawain kayo, gaya ng inyong Ama na maawain. “Huwag kayong humatol at hindi kayo hahatulan. Huwag kayong humusga at hindi kayo huhusgahan. Magpatawad kayo at kayo'y patatawarin. Magbigay kayo at iyon ay ibibigay sa inyo—hustong takal, siniksik, niliglig, at umaapaw, ang ilalagay nila sa inyong kandungan. Sapagkat sa panukat na inyong ipanukat ay doon din kayo susukatin. Sinabi naman niya sa kanila ang isang talinghaga: “Maaari bang akayin ng bulag ang isa pang bulag? Hindi kaya sila kapwa mahulog sa hukay? Ang alagad ay hindi nakahihigit sa kanyang guro, subalit ang sinumang ganap na sinanay ay nagiging tulad na ng kanyang guro. Bakit mo nakikita ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo napupuna ang troso na nasa iyong sariling mata? Paano mo masasabi sa iyong kapatid, ‘Kapatid hayaan mong alisin ko ang puwing na nasa iyong mata,’ samantalang hindi mo nakikita ang troso na nasa iyong sariling mata? Ikaw na mapagkunwari, alisin mo muna ang troso na nasa iyong sariling mata, at makakakita ka nang malinaw upang maalis mo ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid. “Sapagkat walang mabuting punungkahoy na nagbubunga ng masama, at wala rin namang masamang punungkahoy na mabuti ang bunga. Sapagkat ang bawat punungkahoy ay nakikilala sa kanyang sariling bunga. Sapagkat ang mga igos ay di naaani mula sa mga tinikan at hindi napipitas ang mga ubas sa dawagan. Ang mabuting tao mula sa mabuting kayamanan ng kanyang puso ay nagbubunga ng kabutihan. At ang masamang tao mula sa masamang kayamanan ay nagbubunga ng kasamaan. Sapagkat mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang kanyang bibig. “Bakit tinatawag ninyo akong, ‘Panginoon, Panginoon,’ ngunit hindi ninyo ginagawa ang sinasabi ko? Ipapakita ko sa inyo kung ano ang katulad ng bawat lumalapit sa akin at nakikinig sa aking mga salita at ginagawa ang mga ito. Siya'y tulad sa isang taong nagtatayo ng bahay, na humukay ng malalim at inilagay ang pundasyon sa ibabaw ng bato. Nang dumating ang isang baha, humampas ang tubig sa bahay na iyon, ngunit hindi ito natinag, sapagkat mahusay ang pagkakatayo nito. Subalit ang nakikinig at hindi ginagawa ang mga ito ay tulad sa isang tao na nagtayo ng bahay sa lupa na walang pundasyon. Nang ito'y hampasin ng ilog ay kaagad na nagiba at malaki ang pagkasira ng bahay na iyon.”