Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LUCAS 5:30-39

LUCAS 5:30-39 ABTAG01

Nagbulung-bulungan ang mga Fariseo at ang kanilang mga eskriba laban sa kanyang mga alagad na sinasabi, “Bakit kayo'y kumakain at umiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?” Sumagot si Jesus sa kanila, “Ang malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot kundi ang mga maysakit. Hindi ako pumarito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan tungo sa pagsisisi.” At sinabi nila sa kanya, “Ang mga alagad ni Juan ay malimit mag-ayuno at mag-alay ng mga panalangin, gayundin ang mga alagad ng mga Fariseo, subalit ang sa iyo ay kumakain at umiinom.” At sinabi ni Jesus sa kanila, “Maaari bang pag-ayunuhin ninyo ang mga abay sa kasalan samantalang ang lalaking ikakasal ay kasama pa nila? Subalit darating ang mga araw kapag kinuha sa kanila ang lalaking ikakasal, saka pa lamang sila mag-aayuno sa mga araw na iyon.” Sinabi rin niya sa kanila ang isang talinghaga: “Walang taong pumipilas sa bagong damit at itinatagpi sa lumang damit. Kapag gayon, mapupunit ang bago at ang tagping mula sa bago ay di bagay sa luma. At walang taong naglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlang balat. Kung gayon, papuputukin ng bagong alak ang mga balat, at matatapon, at masisira ang mga balat. Sa halip, ang bagong alak ay dapat ilagay sa mga bagong sisidlang balat. At walang sinumang matapos uminom ng alak na laon ay magnanais ng bago, sapagkat sinasabi niya, ‘Masarap ang laon.’”

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa LUCAS 5:30-39