Habang kanilang dinadala siyang papalayo, hinuli nila si Simon na taga-Cirene na nanggaling sa bukid, at ipinasan sa kanya ang krus upang dalhin kasunod ni Jesus.
Siya'y sinundan ng napakaraming tao, at ng mga babaing nagdadalamhati at nag-iiyakan para sa kanya.
Subalit humarap sa kanila si Jesus at sinabi, “Mga anak na babae ng Jerusalem, huwag ninyo akong iyakan, kundi iyakan ninyo ang inyong mga sarili at ang inyong mga anak.
Sapagkat narito, darating ang mga araw, na kanilang sasabihin, ‘Mapapalad ang mga baog, at ang mga tiyan na kailanma'y hindi nagdalang-tao, at ang mga dibdib na kailanman ay hindi nagpasuso!’
At sila'y magpapasimulang magsalita sa mga bundok, ‘Bumagsak kayo sa amin,’ at sa mga burol, ‘Takpan ninyo kami.’
Sapagkat kung ginagawa nila ang mga bagay na ito kapag ang punungkahoy ay sariwa, anong mangyayari kapag ito ay tuyo?
Dinala rin upang pataying kasama niya ang dalawang kriminal.
Nang dumating sila sa lugar na tinatawag na Bungo, kanilang ipinako siya sa krus, kasama ng mga kriminal, isa sa kanyang kanan at isa sa kanyang kaliwa.
[Sinabi ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”] At sila ay nagpalabunutan upang paghatian ang kanyang damit.
Nakatayong nanonood ang taong-bayan. Subalit tinutuya naman siya ng mga pinuno, na sinasabi, “Iniligtas niya ang iba, iligtas niya ang kanyang sarili kung siya ang Cristo ng Diyos, ang Pinili.”
Nililibak din siya ng mga kawal na lumapit sa kanya, at inalok siya ng suka,
at sinasabi, “Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili!”
Mayroon ding nakasulat na pamagat sa itaas niya, “Ito'y ang Hari ng mga Judio.”
Patuloy siyang pinagtawanan ng isa sa mga kriminal na ipinako, na nagsasabi, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at kami!”
Subalit sinaway siya ng isa, at sa kanya'y sinabi, “Hindi ka pa ba natatakot sa Diyos, yamang ikaw ay nasa gayunding hatol ng kaparusahan?
Tayo ay nahatulan ng matuwid, sapagkat tinanggap natin ang nararapat na kabayaran sa ating mga gawa. Subalit ang taong ito'y hindi gumawa ng anumang masama.”
Sinabi niya, “Jesus, alalahanin mo ako, pagdating mo sa iyong kaharian.”
At sumagot siya, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, ngayon ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.”