Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LUCAS 22:60-71

LUCAS 22:60-71 ABTAG01

Subalit sinabi ni Pedro, “Ginoo, hindi ko nalalaman ang sinasabi mo.” At kaagad, samantalang siya'y nagsasalita pa, tumilaok ang isang manok. Lumingon ang Panginoon at tumingin kay Pedro. At naalala ni Pedro ang salita ng Panginoon, kung paanong sinabi niya sa kanya, “Bago tumilaok ang manok ngayon, ay ipagkakaila mo ako ng tatlong ulit.” At siya'y lumabas, at umiyak nang buong pait. Nilibak at hinampas si Jesus ng mga lalaking nagbabantay sa kanya. Siya'y piniringan din nila at pinagtatanong, “Hulaan mo! Sino ang humampas sa iyo?” Nagsalita pa sila ng maraming mga panlalait laban sa kanya. Nang mag-umaga na, nagkatipon ang kapulungan ng matatanda sa bayan, ang mga punong pari, at gayundin ang mga eskriba. Kanilang dinala siya sa kanilang Sanhedrin, at sinabi nila, “Kung ikaw ang Cristo, sabihin mo sa amin.” Subalit sinabi niya sa kanila, “Kung sasabihin ko sa inyo, hindi ninyo ako paniniwalaan; at kung kayo'y aking tanungin ay hindi kayo sasagot. Ngunit magmula ngayon ang Anak ng Tao ay mauupo sa kanan ng kapangyarihan ng Diyos.” Sinabi nilang lahat, “Kung gayo'y ikaw ba ang Anak ng Diyos?” At sinabi niya sa kanila, “Kayo ang nagsasabi na ako nga.” Sinabi nila, “Kailangan pa ba natin ng saksi? Tayo na mismo ang nakarinig mula sa kanyang bibig.”