Nang mga araw na iyon ay lumabas ang isang utos mula kay Augusto Cesar upang magpatala ang buong daigdig. Ito ang unang pagtatala na ginawa nang si Quirinio ay gobernador sa Siria. Pumunta ang lahat upang magpatala, bawat isa sa kanyang sariling bayan. Umahon din si Jose mula sa Galilea mula sa bayan ng Nazaret, patungo sa Judea, sa lunsod ni David, na tinatawag na Bethlehem, sapagkat siya'y mula sa sambahayan at lipi ni David, upang magpatalang kasama ni Maria na kanyang magiging asawa, na noon ay malapit nang manganak. Samantalang sila'y naroroon, dumating ang panahon ng kanyang panganganak. At kanyang isinilang ang kanyang panganay na anak na lalaki, binalot niya ito ng mga lampin, at inihiga sa isang sabsaban sapagkat walang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan. Sa lupaing iyon ay may mga pastol ng tupa na nasa parang na nagbabantay sa kanilang kawan sa gabi. Tumayo sa tabi nila ang isang anghel ng Panginoon at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa palibot nila, at sila'y lubhang natakot. Kaya't sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot, sapagkat narito, dala ko sa inyo ang magandang balita ng malaking kagalakan para sa buong bayan. Sapagkat ipinanganak sa inyo ngayon sa lunsod ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo, ang Panginoon. Ito ang magiging palatandaan ninyo: Matatagpuan ninyo ang isang sanggol na balot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban.” At biglang sumama sa anghel ang isang malaking hukbo ng langit na nagpupuri sa Diyos at nagsasabi, “Luwalhati sa Diyos sa kataas-taasan, at sa lupa'y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya.” Nang iwan sila ng mga anghel patungo sa langit, sinabi ng mga pastol sa isa't isa, “Pumunta tayo ngayon sa Bethlehem at tingnan natin ang nangyaring ito na ipinaalam sa atin ng Panginoon.” At sila'y nagmamadaling pumunta at kanilang natagpuan sina Maria at Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. Nang makita nila ito, ipinaalam nila sa kanila ang mga sinabi tungkol sa sanggol na ito; at lahat nang nakarinig nito ay namangha sa mga bagay na sinabi sa kanila ng mga pastol. Subalit iningatan ni Maria ang lahat ng mga salitang ito, na pinagbulay-bulay sa kanyang puso.
Basahin LUCAS 2
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: LUCAS 2:1-19
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas