Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LEVITICO 10:12-20

LEVITICO 10:12-20 ABTAG01

Nagsalita si Moises kay Aaron at sa nalabi nitong mga anak, sina Eleazar at Itamar, “Kunin ninyo ang butil na handog na nalabi mula sa mga handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy, at inyong kaining walang pampaalsa sa tabi ng dambana, sapagkat ito ay kabanal-banalan. Ito ay inyong kakainin sa dakong banal, sapagkat ito ang bahagi ninyo at ng inyong mga anak mula sa mga handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy, sapagkat gayon ang iniutos sa akin. Ang dibdib ng handog na iwinawagayway at ang hita na inialay ay kakainin ninyo sa isang malinis na lugar, ikaw at ng iyong mga anak na lalaki at babae. Ang mga iyon ay ibinigay bilang bahagi mo at ng iyong mga anak mula sa mga alay ng handog pangkapayapaan ng mga anak ni Israel. Ang hita na inialay at ang dibdib na iwinawagayway ay kanilang dadalhin kasama ng mga handog na pinaraan sa apoy, ang mga taba, ay kanilang dadalhin upang iwagayway bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng PANGINOON. Ito ay bahagi mo at ng iyong mga anak, gaya ng iniutos ng PANGINOON.” At buong sikap na hinanap ni Moises ang kambing na handog pangkasalanan, at iyon ay sinunog na! Siya ay nagalit kina Eleazar at Itamar na mga nalalabing anak ni Aaron, at kanyang sinabi, “Bakit hindi ninyo kinain ang handog pangkasalanan sa banal na lugar? Ito ay kabanal-banalang bagay at ibinigay niya ito sa inyo upang alisin ang kasamaan ng kapulungan, upang gumawa ng pagtubos para sa kanila sa harapan ng PANGINOON? Ang dugo niyon ay hindi ipinasok sa loob ng dakong banal. Tiniyak sana ninyong kinain ito sa banal na dako, gaya ng iniutos ko.” At sinabi ni Aaron kay Moises, “Tingnan mo, kanilang inihandog nang araw na ito ang kanilang handog pangkasalanan, at ang kanilang handog na sinusunog sa harapan ng PANGINOON; gayunman ang gayong mga bagay ay nangyari sa akin! Kung ako nga'y nakakain ngayon ng handog para sa kasalanan, ito kaya ay kalugud-lugod sa paningin ng PANGINOON?” Nang marinig ito ni Moises, siya ay sumang-ayon.