Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LEVITICO 10:1-7

LEVITICO 10:1-7 ABTAG01

Noon, sina Nadab at Abihu, na mga anak ni Aaron, ay kumuha ng kanya-kanyang suuban, at nilagyan ng apoy ang mga ito at pinatungan ng insenso. Sila'y naghandog sa harapan ng PANGINOON ng ibang apoy na hindi niya iniutos sa kanila. At lumabas ang apoy sa harapan ng PANGINOON, nilamon sila, at namatay sila sa harapan ng PANGINOON. Pagkatapos ay sinabi ni Moises kay Aaron, “Ito ang sinabi ng PANGINOON, ‘Ako'y magpapakita na banal sa mga lumalapit sa akin; at ako'y maluluwalhati sa harapan ng buong bayan.’” At si Aaron ay nanahimik. Tinawag ni Moises sina Misael at Elzafan, na mga anak ni Uziel na amain ni Aaron, at sa kanila'y sinabi, “Magsilapit kayo, dalhin ninyo ang inyong mga kapatid mula sa harapan ng santuwaryo tungo sa labas ng kampo.” Kaya't sila'y lumapit at binuhat sa kanilang mga kasuotan papalabas sa kampo, gaya ng iniutos ni Moises. At sinabi ni Moises kina Aaron, Eleazar, at Itamar na kanyang mga anak, “Huwag ninyong ilugay ang buhok ng inyong ulo, o punitin man ninyo ang inyong mga damit upang huwag kayong mamatay at nang siya'y huwag magalit laban sa buong kapulungan. Tungkol sa inyong mga kapatid, ang buong sambahayan ni Israel, sila ay tataghoy sa apoy na pinapag-alab ng PANGINOON. Huwag kayong lalabas sa pintuan ng toldang tipanan, baka kayo'y mamatay; sapagkat ang langis na pambuhos ng PANGINOON ay nasa inyo.” At kanilang ginawa ang ayon sa mga salita ni Moises.