Si Josue na anak ni Nun ay palihim na nagsugo mula sa Shittim ng dalawang lalaki bilang tiktik, na sinasabi, “Humayo kayo, tingnan ninyo ang lupain, at ang Jerico.” At sila'y humayo at pumasok sa bahay ng isang upahang babae na ang pangalan ay Rahab, at nakituloy doon.
At ito'y ibinalita sa hari sa Jerico, na sinasabi, “Tingnan ninyo, may mga lalaki mula sa Israel na pumasok dito ngayong gabi upang siyasatin ang lupain.”
Kaya't ang hari ng Jerico ay nagpasugo kay Rahab, na sinasabi, “Ilabas mo ang mga lalaking dumating sa iyo, at pumasok sa iyong bahay. Sila'y naparito upang siyasatin ang buong lupain.”
Subalit isinama ng babae ang dalawang lalaki at naikubli na sila. Pagkatapos ay sinabi niya, “Oo, ang mga lalaki ay naparito sa akin, ngunit hindi ko alam kung taga-saan sila.
Sa oras ng pagsasara ng pintuang-bayan, nang madilim na, ang mga lalaki ay lumabas at hindi ko alam kung saan sila pumunta. Habulin ninyo sila kaagad, sapagkat aabutan ninyo sila.”
Gayunman, kanyang napaakyat na sila sa bubungan, at ikinubli sila sa mga tangkay ng lino na kanyang inilagay na maayos sa bubungan.
Hinabol sila ng mga tao sa daang patungo sa Jordan hanggang sa mga tawiran, at pagkalabas ng humabol sa kanila, ay kanilang sinarhan ang pintuan.
Bago sila natulog ay kanyang inakyat sila sa bubungan;
at sinabi niya sa mga lalaki, “Nalalaman ko na ibinigay sa inyo ng PANGINOON ang lupain, at ang pagkatakot sa inyo ay dumating sa amin, at ang lahat ng nanirahan sa lupain ay nanghihina sa harapan ninyo.
Sapagkat aming nabalitaan kung paanong tinuyo ng PANGINOON ang tubig sa Dagat na Pula sa harapan ninyo, nang kayo'y lumabas sa Ehipto; at kung ano ang inyong ginawa sa dalawang hari ng mga Amoreo, na nasa kabila ng Jordan, kay Sihon at kay Og, na inyong lubos na pinuksa.
Nang mabalitaan namin iyon ay nanlumo ang aming puso, ni walang tapang na naiwan sa sinumang tao dahil sa inyo, sapagkat ang PANGINOON ninyong Diyos ay siyang Diyos sa langit sa itaas, at sa lupa sa ibaba.
Kaya't ngayon, sumumpa kayo sa akin sa PANGINOON, yamang ako'y nagmagandang-loob sa inyo ay magmagandang-loob naman kayo sa sambahayan ng aking magulang. Bigyan ninyo ako ng tunay na tanda
na ililigtas ninyong buháy ang aking ama, ang aking ina, ang aking mga kapatid na lalaki at babae, at ang lahat nilang ari-arian, at inyong ililigtas ang aming mga buhay sa kamatayan.”
At sinabi ng mga lalaki sa kanya, “Ang aming buhay ay sa iyo kung hindi ninyo ihahayag itong aming pakay. Kapag ibinigay sa amin ng PANGINOON ang lupain, kami ay magmamagandang-loob at magiging tapat sa inyo.”
Nang magkagayo'y kanyang pinababa sila sa pamamagitan ng isang lubid sa bintana, sapagkat ang kanyang bahay ay nasa pader ng bayan, at siya'y nakatira sa pader.
Sinabi niya sa kanila, “Pumaroon kayo sa bundok, baka kayo'y abutan ng mga humahabol sa inyo; at kayo'y magkubli roon ng tatlong araw, hanggang sa bumalik ang mga humahabol, at pagkatapos ay makakahayo na kayo ng inyong lakad.”
At sinabi ng mga lalaki sa kanya, “Kami ay mapapalaya mula sa sumpang ito, na iyong ipinasumpa sa amin.
Kapag kami ay pumasok sa lupain, itatali mo itong panaling pula sa bintana na ginamit mo sa pagpapababa sa amin. Titipunin mo sa loob ng bahay ang iyong ama, ang iyong ina, ang iyong mga kapatid, at ang buong sambahayan ng iyong ama.
Kung may sinumang lumabas sa mga lansangan mula sa pintuan ng iyong bahay, sila ang mananagot sa sarili nilang kamatayan, at kami ay magiging walang kasalanan. Ngunit kung may magbuhat ng kamay sa sinumang kasama mo sa bahay, kami ang mananagot sa kanyang kamatayan.
Ngunit kung iyong ihayag itong aming pakay ay magiging malaya kami sa sumpa na iyong ipinagawa sa amin.”
At kanyang sinabi, “Ayon sa inyong mga salita ay siya nawang mangyari.” At kanyang pinapagpaalam sila at sila'y umalis, at itinali niya ang panaling pula sa bintana.