Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nagpakitang muli si Jesus sa mga alagad sa tabi ng dagat ng Tiberias, at siya'y nagpakita sa ganitong paraan.
Magkakasama noon sina Simon Pedro, si Tomas na tinatawag na Kambal, at si Nathanael na taga-Cana ng Galilea, at ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pa sa kanyang mga alagad.
Sinabi sa kanila ni Simon Pedro, “Mangingisda ako.” Sinabi nila sa kanya, “Kami ay sasama rin sa iyo.” Sila'y umalis at sumakay sa bangka. Nang gabing iyon ay wala silang nahuli.
Ngunit nang mag-uumaga na, si Jesus ay tumayo sa tabing-dagat. Subalit hindi nakilala ng mga alagad na iyon ay si Jesus.
Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mga anak, mayroon ba kayong nahuling isda?” Sumagot sila sa kanya, “Wala.”
At sinabi niya sa kanila, “Ihulog ninyo ang lambat sa kanang bahagi ng bangka at mayroon kayong makikita.” Inihulog nga nila, at hindi na nila ito mahila dahil sa dami ng mga isda.
Kaya't ang alagad na minamahal ni Jesus ay nagsabi kay Pedro, “Ang Panginoon iyon.” Kaya't nang marinig ni Simon Pedro na iyon ang Panginoon, ay nagbigkis siya ng kanyang tunika (sapagkat siya'y walang damit), at tumalon sa dagat.
Subalit ang ibang alagad ay lumapit sa bangka na hila ang lambat na punô ng isda, sapagkat sila'y hindi malayo sa lupa, kundi halos siyamnapung metro ang layo.
Nang sila'y makadaong sa lupa, nakakita sila roon ng mga nagbabagang uling, at may isdang nakalagay sa ibabaw, at tinapay.
Sinabi sa kanila ni Jesus, “Dalhin ninyo rito ang ilang isdang nahuli ninyo ngayon.”
Kaya't si Simon Pedro ay sumampa sa bangka, at hinila ang lambat sa lupa na punô ng malalaking isda, na isandaan at limampu't tatlo, at kahit gayon karami ay hindi nasira ang lambat.
Sinabi sa kanila ni Jesus, “Halikayo at mag-almusal.” Sinuman sa mga alagad ay hindi nangahas na siya'y tanungin, “Sino ka?” yamang alam nila na iyon ay ang Panginoon.
Lumapit si Jesus, dinampot ang tinapay, at ibinigay sa kanila pati ang isda.
Ito nga ang ikatlong pagpapakita ni Jesus sa mga alagad, pagkatapos na siya'y bumangon mula sa mga patay.
Pagkatapos nilang makapag-almusal, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako nang higit kaysa mga ito?” Sinabi niya sa kanya, “Opo, Panginoon, nalalaman mo na minamahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pakainin mo ang aking mga kordero.”
Sa ikalawang pagkakataon ay sinabi niya sa kanya, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako?” Sinabi niya sa kanya, “Opo, Panginoon; nalalaman mo na minamahal kita.” Sinabi niya sa kanya, “Alagaan mo ang aking mga tupa.”
Sinabi niya sa kanya sa ikatlong pagkakataon, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako?” Nalungkot si Pedro sapagkat tatlong ulit nang sinabi sa kanya, “Minamahal mo ba ako?” At sinabi niya sa kanya, “Panginoon, nalalaman mo ang lahat ng mga bagay. Nalalaman mo na minamahal kita.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pakainin mo ang aking mga tupa.
Katotohanang sinasabi ko sa iyo, nang ikaw ay bata pa, binibigkisan mo ang iyong sarili at lumalakad ka kung saan mo ibig; ngunit pagtanda mo'y iuunat mo ang iyong mga kamay, at bibigkisan ka ng iba, at dadalhin ka kung saan hindi mo ibig.”