Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JUAN 12:1-11

JUAN 12:1-11 ABTAG01

Anim na araw bago magpaskuwa ay pumunta si Jesus sa Betania, na kinaroroonan ni Lazaro, na muling binuhay ni Jesus mula sa mga patay. Siya'y ipinaghanda nila roon ng isang hapunan. Si Marta ay naglilingkod, at si Lazaro ay isa sa nakaupo sa may hapag-kainan na kasalo niya. Si Maria ay kumuha ng isang libra ng mamahaling pabango mula sa purong nardo at pinahiran ang mga paa ni Jesus, at pinunasan ang mga paa nito ng kanyang mga buhok. At ang bahay ay napuno ng amoy ng pabango. Subalit si Judas Iscariote, isa sa kanyang mga alagad na magkakanulo sa kanya, ay nagsabi, “Bakit hindi ipinagbili ang pabangong ito ng tatlong daang denario, at ibinigay sa mga dukha?” Ngunit ito'y sinabi niya, hindi dahil nagmamalasakit siya sa mga dukha, kundi sapagkat siya'y isang magnanakaw. At palibhasa'y nasa kanya ang supot ay kinukuha niya ang inilalagay doon. Kaya't sinabi ni Jesus, “Hayaan ninyo siya. Inilaan niya ito sa araw ng paglilibing sa akin. Sapagkat ang mga dukha ay laging nasa inyo; ngunit ako'y hindi laging nasa inyo.” Nang malaman ng maraming mga Judio na siya'y naroroon, sila'y pumunta hindi dahil kay Jesus lamang, kundi upang makita nila si Lazaro, na muling binuhay mula sa mga patay. Kaya't pinanukala ng mga punong pari na kanilang patayin din si Lazaro, sapagkat dahil sa kanya'y marami sa mga Judio ang umaalis at naniniwala kay Jesus.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa JUAN 12:1-11