Kinabukasan, muling naroon si Juan kasama ng dalawa sa kanyang mga alagad.
At kanyang tiningnan si Jesus samantalang siya'y naglalakad at sinabi, “Narito ang Kordero ng Diyos!”
Narinig siya ng dalawang alagad na nagsalita nito, at sila'y sumunod kay Jesus.
Paglingon ni Jesus at nakita silang sumusunod ay sinabi niya sa kanila, “Ano ang inyong hinahanap?” At sinabi nila sa kanya, “Rabi (na kung isasalin ang kahulugan ay Guro), saan ka nakatira?”
Sinabi niya sa kanila, “Halikayo at tingnan ninyo.” Pumunta nga sila at nakita kung saan siya nakatira; at sila'y nanatiling kasama niya nang araw na iyon. Noon ang oras ay mag-iikasampu.
Ang isa sa dalawang nakarinig ng pagsasalita ni Juan, at sumunod sa kanya, ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro.
Una niyang natagpuan ang kanyang kapatid na si Simon, at sa kanya'y sinabi, “Natagpuan na namin ang Mesiyas”—na kung isasalin ay Cristo.
Kanyang dinala si Simon kay Jesus. Siya'y tiningnan ni Jesus at sinabi, “Ikaw ay si Simon na anak ni Juan. Tatawagin kang Cefas”—(na kung isasalin ang kahulugan ay Pedro.)
Kinabukasan ay ipinasiya ni Jesus na pumunta sa Galilea. Kanyang nakita si Felipe, at sa kanya'y sinabi ni Jesus, “Sumunod ka sa akin.”
Si Felipe nga ay taga-Bethsaida, sa lunsod nina Andres at Pedro.
Natagpuan ni Felipe si Nathanael, at sinabi sa kanya, “Natagpuan namin iyong isinulat ni Moises sa Kautusan, at gayundin ng mga propeta, si Jesus na taga-Nazaret, ang anak ni Jose.”
Sinabi sa kanya ni Nathanael, “Mayroon bang mabuting bagay na maaaring manggaling sa Nazaret?” Sinabi sa kanya ni Felipe, “Halika at tingnan mo.”
Nakita ni Jesus si Nathanael na lumalapit sa kanya, at sinabi ang tungkol sa kanya, “Narito ang isang tunay na Israelita na sa kanya'y walang pandaraya!”
Tinanong siya ni Nathanael, “Paano mo ako nakilala?” Si Jesus ay sumagot, “Bago ka tinawag ni Felipe, nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos ay nakita kita.”
Sumagot si Nathanael sa kanya, “Rabi, ikaw ang Anak ng Diyos; ikaw ang Hari ng Israel.”
Si Jesus ay sumagot sa kanya, “Dahil ba sa sinabi ko sa iyo, ‘Nakita kita sa ilalim ng puno ng igos,’ kaya ikaw ay sumasampalataya? Higit na dakilang mga bagay ang makikita mo kaysa rito.”