Ginawa uli ng mga anak ni Israel ang masama sa paningin ng PANGINOON, nang mamatay si Ehud.
Ipinagbili sila ng PANGINOON sa kamay ni Jabin na hari ng Canaan, na naghahari sa Hazor; na ang pinuno sa kanyang hukbo ay si Sisera, na naninirahan sa Haroset-hagoiim.
At dumaing ang mga anak ni Israel sa PANGINOON sapagkat siya'y may siyamnaraang karwaheng bakal; at dalawampung taon niyang lubhang pinahirapan ang mga anak ni Israel.
Si Debora nga, na propetisa, asawa ni Lapidot, ay siyang hukom ng Israel nang panahong iyon.
Siya ay laging umuupo sa ilalim ng puno ng palma ni Debora, sa pagitan ng Rama at Bethel, sa lupaing maburol ng Efraim; at pinupuntahan siya ng mga anak ni Israel para sa kanyang hatol.
Siya'y nagsugo at ipinatawag si Barak na anak ni Abinoam mula sa Kedes sa Neftali, at sinabi sa kanya, “Inuutusan ka ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel, ‘Humayo ka, at tipunin mo ang iyong mga tauhan sa bundok ng Tabor, at kumuha ka ng sampung libo sa lipi ni Neftali at sa lipi ni Zebulon.
Aking palalabasin si Sisera, ang pinuno sa hukbo ni Jabin, upang salubungin ka sa Ilog Kishon, kasama ang kanyang mga karwahe at ang kanyang hukbo; at ibibigay ko siya sa iyong kamay.’”
Sinabi ni Barak sa kanya, “Kung sasama ka sa akin ay pupunta ako roon. Ngunit kung hindi ka sasama sa akin ay hindi ako pupunta.”
At kanyang sinabi, “Tiyak na sasama ako sa iyo; gayunma'y ang daan na iyong tatahakin ay hindi patungo sa iyong kapurihan, sapagkat ipagbibili ng PANGINOON si Sisera sa kamay ng isang babae.” At si Debora ay tumindig at sumama kay Barak sa Kedes.
Tinawag ni Barak ang Zebulon at ang Neftali sa Kedes; at doo'y kasunod niyang umahon ang sampung libong lalaki at si Debora ay umahong kasama niya.
Si Eber na Kineo ay humiwalay na sa mga Kineo, ang mga anak ni Hobab, na biyenan ni Moises, at itinayo ang kanyang tolda sa may punong ensina sa Zaananim, na malapit sa Kedes.
Nang masabi kay Sisera na si Barak na anak ni Abinoam ay umahon sa bundok ng Tabor,
tinipon ni Sisera ang lahat ng kanyang mga karwahe, na siyamnaraang karwaheng bakal, at ang lahat ng mga lalaking kasama niya, mula sa Haroset-hagoiim hanggang sa Ilog Kishon.
At sinabi ni Debora kay Barak, “Tumindig ka! Sapagkat ito ang araw na ibinigay ng PANGINOON si Sisera sa iyong kamay. Hindi ba lumabas ang PANGINOON sa harap mo?” Kaya't lumusong si Barak mula sa bundok ng Tabor kasama ang sampung libong lalaking sumusunod sa kanya.
Itinaboy ng PANGINOON si Sisera at ang lahat ng kanyang mga karwahe, at ang buong hukbo niya sa harap ni Barak sa talim ng tabak. Bumaba si Sisera sa kanyang karwahe, at patakbong tumakas.
Ngunit hinabol ni Barak ang mga karwahe at ang hukbo, hanggang sa Haroset-hagoiim at ang buong hukbo ni Sisera ay nahulog sa talim ng tabak; wala ni isang lalaking nalabi.
Gayunman ay patakbong tumakas si Sisera patungo sa tolda ni Jael na asawa ni Eber na Kineo; sapagkat may kapayapaan sa pagitan ni Jabin na hari sa Hazor at ng sambahayan ni Eber na Kineo.
Sinalubong ni Jael si Sisera, at sinabi sa kanya, “Lumiko ka, panginoon ko, lumiko ka rito sa akin; huwag kang matakot.” Kaya't siya'y lumiko sa kanya sa loob ng tolda, at siya'y tinalukbungan niya ng isang alpombra.
Sinabi niya sa kanya, “Isinasamo ko sa iyo, bigyan mo ako ng kaunting tubig na maiinom; sapagkat ako'y nauuhaw.” Kaya't binuksan niya ang isang balat na sisidlan ng gatas, at kanyang pinainom siya, at tinakpan siya.
At sinabi ni Sisera sa kanya, “Tumayo ka sa pintuan ng tolda, at kapag may taong dumating at magtanong sa iyo, ‘May tao ba riyan?’ ay iyong sasabihin, ‘Wala.’”
Ngunit kumuha si Jael, na asawa ni Eber, ng isang tulos ng tolda at kumuha ng isang pamukpok at dahan-dahang lumapit sa kanya. Habang natutulog nang mahimbing si Sisera dahil sa pagod, itinusok ni Jael ang tulos sa kanyang noo hanggang umabot ito sa lupa, at siya'y namatay.
Sa paghabol ni Barak kay Sisera ay lumabas si Jael upang salubungin siya, at sinabi sa kanya, “Halika, at ipapakita ko sa iyo ang lalaking hinahanap mo.” Kaya't siya'y pumasok sa kanyang tolda, at naroon si Sisera na patay na nakabulagta at ang tulos ng tolda ay nasa kanyang noo.
Gayon nilupig ng Diyos nang araw na iyon si Jabin na hari ng Canaan sa harap ng mga anak ni Israel.
Habang tumatagal ay naging higit na malakas ang mga Israelita laban kay Jabin na hari ng Canaan, hanggang sa mapuksa nila si Jabin na hari ng Canaan.