Ang Espiritu ng Panginoong DIYOS ay sumasaakin;
sapagkat hinirang ako ng PANGINOON
upang ipangaral ang mabuting balita sa inaapi
kanyang sinugo ako upang magpagaling ng mga bagbag na puso,
upang magpahayag ng kalayaan sa mga bihag,
at buksan ang bilangguan sa mga bilanggo;
upang ihayag ang kalugud-lugod na taon ng PANGINOON,
at ang araw ng paghihiganti ng ating Diyos;
upang aliwin ang lahat ng tumatangis;
upang pagkalooban sila na tumatangis sa Zion—
upang bigyan sila ng putong na bulaklak sa halip na mga abo,
sa halip na pagtangis ay langis ng kagalakan,
sa halip na lupaypay na diwa ay damit ng kapurihan,
upang sila'y matawag na mga punungkahoy ng katuwiran,
ang pananim ng PANGINOON, upang siya'y bigyan ng kaluwalhatian.
Kanilang itatayong muli ang mga sinaunang naguho,
kanilang ibabangon ang mga dating giba,
kanilang kukumpunihin ang mga lunsod na sira,
na sa maraming salinlahi ay nagiba.
At tatayo ang mga dayuhan at pakakainin ang inyong mga kawan,
at magiging inyong mga tagapag-araro ang mga dayuhan at manggagawa sa ubasan.
Ngunit kayo'y tatawaging mga pari ng PANGINOON,
tatawagin kayo ng mga tao bilang mga tagapaglingkod ng ating Diyos,
kayo'y kakain ng kayamanan ng mga bansa,
at sa kanilang kaluwalhatian ay magmamapuri kayo.
Magtatamo kayo ng dalawang bahagi sa halip na kahihiyan,
sa halip na paghamak ay magagalak kayo sa inyong kapalaran;
kaya't sa inyong lupain ay dalawang bahagi ang aariin ninyo,
walang hanggang kagalakan ang mapapasa inyo.
Sapagkat akong PANGINOON ay umiibig sa katarungan,
kinapopootan ko ang pagnanakaw at handog na sinusunog;
at aking tapat na ibibigay sa kanila ang kanilang gantimpala,
at ako'y makikipagtipan sa kanila ng walang hanggan.
At ang kanilang mga lahi ay makikilala sa gitna ng mga bansa,
at ang kanilang supling sa gitna ng mga bayan;
lahat ng nakakakita sa kanila ay kikilalanin sila,
na sila ang bayang pinagpala ng PANGINOON.
Ako'y magagalak na mabuti sa PANGINOON,
ang aking buong pagkatao ay magagalak sa aking Diyos;
sapagkat binihisan niya ako ng mga damit ng kaligtasan,
kanyang tinakpan ako ng balabal ng katuwiran,
gaya ng lalaking ikakasal na ginagayakan ang sarili ng palamuting bulaklak,
at gaya ng babaing ikakasal na nagagayakan ng kanyang mga hiyas.
Sapagkat kung paanong ang lupa'y nagpapatubo ng kanyang pananim,
at kung paanong ang halamanan ay nagpapasibol ng mga bagay na sa kanya'y itinanim,
gayon pasisibulin ng Panginoong DIYOS ang katuwiran at kapurihan
sa harapan ng lahat ng bansa.