HEBREO 11:20-30
HEBREO 11:20-30 ABTAG01
Sa pananampalataya, binasbasan ni Isaac sina Jacob at Esau tungkol sa mga bagay na mangyayari. Sa pananampalataya, si Jacob nang mamamatay na ay binasbasan niya ang bawat isa sa mga anak ni Jose, at sumamba sa ibabaw ng kanyang tungkod. Sa pananampalataya, nang malapit nang mamatay si Jose ay binanggit niya ang tungkol sa paglikas ng mga Israelita, at nagbilin tungkol sa kanyang mga buto. Sa pananampalataya, nang ipanganak si Moises ay itinago siya ng tatlong buwan ng kanyang mga magulang, sapagkat kanilang nakitang maganda ang bata, at hindi sila natakot sa utos ng hari. Sa pananampalataya, nang nasa hustong gulang na si Moises ay tumangging siya'y tawaging anak ng anak na babae ni Faraon, na pinili pa ang mapasama sa kaapihan ng bayan ng Diyos, kaysa magkaroon ng pansamantalang kasiyahan ng kasalanan. Kanyang itinuring na malaking kayamanan ang magdusa alang-alang kay Cristo, kaysa sa mga kayamanan ng Ehipto, sapagkat kanyang pinagtutuunan ng pansin ang gantimpala. Sa pananampalataya ay iniwan niya ang Ehipto, at hindi natakot sa poot ng hari, sapagkat siya ay matiyagang nagpatuloy na tulad sa nakakakita sa kanya na hindi nakikita. Sa pananampalataya'y itinatag niya ang paskuwa at ang pagwiwisik ng dugo, upang huwag silang galawin ng Mamumuksa ng mga panganay. Sa pananampalataya'y tinahak nila ang Dagat na Pula na tulad sa tuyong lupa, ngunit nang tangkaing gawin ito ng mga Ehipcio ay nalunod sila. Sa pananampalataya'y gumuho ang pader ng Jerico, pagkatapos na malibot sa loob ng pitong araw.


