Noong unang panahon, ang Diyos ay nagsalita sa ating mga ninuno sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta,
subalit sa mga huling araw na ito ay nagsalita siya sa atin sa pamamagitan ng Anak, na kanyang itinalagang tagapagmana ng lahat ng mga bagay, na sa pamamagitan din niya'y ginawa ang mga sanlibutan.
Siya ang kaningningan ng kaluwalhatian ng Diyos at tunay na larawan ng kanyang likas, at kanyang inaalalayan ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kanyang salita. Nang magawa na niya ang paglilinis ng mga kasalanan, siya ay umupo sa kanan ng Kamahalan sa kaitaasan,
palibhasa'y naging higit na mataas kaysa mga anghel, palibhasa'y nagmana ng higit na marilag na pangalan kaysa kanila.
Sapagkat kanino sa mga anghel sinabi ng Diyos kailanman,
“Ikaw ay aking Anak,
ako ngayon ay naging iyong Ama?”
At muli,
“Ako'y magiging kanyang Ama,
at siya'y magiging aking Anak?”
At muli, nang kanyang dinadala ang panganay sa daigdig ay sinasabi niya,
“Sambahin siya ng lahat ng mga anghel ng Diyos.”
Tungkol sa mga anghel ay sinasabi niya,
“Ginagawa niyang mga hangin ang mga anghel,
at ang kanyang mga lingkod ay ningas ng apoy.”
Ngunit, tungkol naman sa Anak ay sinasabi niya,
“Ang iyong trono, O Diyos, ay magpakailanman;
at ang setro ng katuwiran ang siyang setro ng iyong kaharian.
Inibig mo ang katuwiran, at kinapootan ang kasamaan;
kaya't ang Diyos, ang Diyos mo, ay binuhusan ka
ng langis ng kagalakang higit pa sa iyong mga kasamahan.”
At,
“Ikaw, Panginoon, nang pasimula'y inilagay mo ang saligan ng lupa,
at ang mga langit ay mga gawa ng iyong mga kamay;
sila'y mapaparam, subalit ikaw ay nananatili,
at silang lahat ay malulumang gaya ng kasuotan;
gaya ng isang balabal sila'y iyong ilululon,
at gaya ng damit, sila ay mapapalitan.
Ngunit ikaw ay ikaw pa rin,
at ang iyong mga taon ay hindi magwawakas.”
Ngunit kanino sa mga anghel sinabi niya kailanman,
“Maupo ka sa aking kanan,
hanggang sa ang iyong mga kaaway ay gawin kong tuntungan ng iyong mga paa?”