Binasbasan ng Diyos si Noe at ang kanyang mga anak at sa kanila'y sinabi, “Kayo'y magkaroon ng mga anak at magpakarami, at inyong punuin ang lupa. Ang takot at sindak sa inyo ay darating sa bawat hayop sa lupa, sa bawat ibon sa himpapawid, sa lahat ng gumagapang sa lupa, at sa lahat ng isda sa dagat. Sila ay ibinibigay sa inyong kamay. Bawat gumagalaw na nabubuhay ay magiging pagkain ninyo; at kung paanong ibinigay ko sa inyo ang mga luntiang halaman, ibinibigay ko sa inyo ang lahat ng mga bagay. Ngunit huwag ninyong kakainin ang laman na kasama ang buhay nito, ito ay ang kanyang dugo. At tiyak na aking hihingan ng sulit ang umutang sa inyong dugo. Aking hihingin ito sa bawat hayop at sa mga tao, bawat isa para sa dugo ng iba. Hihingan ko ng sulit ang umutang sa buhay ng tao. Sinumang magpadanak ng dugo ng tao, ang dugo ng taong iyon ay papadanakin ng ibang tao; sapagkat nilalang ang tao sa larawan ng Diyos. At kayo'y magkaroon ng mga anak at magpakarami; magbunga kayo nang sagana sa lupa at magpakarami kayo roon.” At nagsalita ang Diyos kay Noe at sa mga anak na kasama niya, na sinasabi, “Narito, aking itinatatag ang tipan sa inyo, at sa inyong mga anak na susunod sa inyo; at sa bawat nilikhang may buhay na kasama ninyo, ang mga ibon, ang maamong hayop at bawat mailap na hayop sa lupa na kasama ninyo, sa lahat ng lumabas sa daong, sa bawat hayop sa lupa. Aking pinagtitibay ang aking tipan sa inyo; hindi ko na lilipulin ang lahat ng mga tao sa pamamagitan ng tubig ng baha at hindi na magkakaroon pa ng bahang magwawasak ng lupa.” Sinabi ng Diyos, “Ito ang tanda ng tipang gagawin ko sa inyo, at sa bawat nilalang na may buhay na kasama ninyo sa buong panahon. Inilagay ko ang aking bahaghari sa ulap, at ito ay magiging tanda ng tipan ko at ng lupa. At kapag tinipon ko ang mga ulap sa ibabaw ng lupa, ang bahaghari ay makikita sa ulap. Aalalahanin ko ang aking tipan sa inyo, at sa bawat nilalang na may buhay; at ang tubig ay hindi na magiging bahang lilipol ng lahat ng nabubuhay. Kapag ang bahaghari ay nasa ulap, ito ay aking makikita at maaalala ang walang hanggang tipan sa pagitan ng Diyos at ng bawat nilalang na may buhay na nasa ibabaw ng lupa.” Sinabi ng Diyos kay Noe, “Ito ang tanda ng tipan na aking itinatag sa lahat ng nabubuhay na nasa ibabaw ng lupa.”
Basahin GENESIS 9
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: GENESIS 9:1-17
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas