Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

GENESIS 41:1-40

GENESIS 41:1-40 ABTAG01

Sa katapusan ng dalawang taon, ang Faraon ay nanaginip na siya'y nakatayo sa tabi ng Nilo. May umahon sa ilog na pitong bakang magaganda ang anyo at matataba at ang mga ito ay kumain ng damo. Pagkatapos nito, sa likuran ng mga ito ay may pito pang ibang mga baka na umahon sa ilog na mga pangit ang anyo at payat; at sila ay nagsihinto sa tabi ng mga unang baka sa pampang ng ilog. Ang pitong bakang magaganda ang anyo at matataba ay kinain ng mga bakang pangit ang anyo at payat. At nagising ang Faraon. Siya'y natulog at nanaginip sa ikalawang pagkakataon; mula sa iisang tangkay ay umusbong ang pitong uhay na mabibintog at malulusog. Pagkatapos nito, pitong uhay na payat at tinuyo ng hanging silangan ang tumubong kasunod ng mga iyon. Nilamon ng mga uhay na payat ang pitong uhay na mabibintog at malulusog. Nagising ang Faraon, at iyon ay isang panaginip. Kinaumagahan, ang kanyang diwa ay nabagabag at siya'y nagpasugo at ipinatawag ang lahat ng salamangkero at mga pantas sa Ehipto. Isinalaysay ng Faraon sa kanila ang kanyang panaginip, subalit walang makapagpaliwanag sa Faraon. Nang magkagayon ay nagsalita sa Faraon ang puno ng mga katiwala ng kopa na sinasabi, “Naaalala ko sa araw na ito ang aking pagkakasala. Nang ang Faraon ay nagalit sa kanyang mga lingkod, ibinilanggo niya ako sa bahay ng kapitan ng bantay, ako at ang puno ng mga panadero. Isang gabi, kami ay nanaginip, siya at ako. Kami ay nagkaroon ng kanya-kanyang panaginip na may kanya-kanyang kahulugan. Doon ay kasama namin ang isang binata, isang Hebreo, na alipin ng kapitan ng bantay. Nang sabihin namin sa kanya ay ipinaliwanag niya sa amin ang aming panaginip; ipinaliwanag niya ang kahulugan ayon sa panaginip ng bawat isa sa amin. At nangyari nga sa amin ang ayon sa kanyang ipinaliwanag sa amin; ako'y ibinalik sa aking katungkulan, at ang panadero ay ipinabitay.” Kaya't nagpasugo ang Faraon at ipinatawag si Jose, at madali siyang inilabas sa bilangguan. At nang siya'y makapag-ahit at makapagpalit ng damit ay pumunta sa Faraon. At sinabi ng Faraon kay Jose, “Ako'y nanaginip at walang makapagpaliwanag nito. Nabalitaan ko na pagkarinig mo ng isang panaginip ay naipapaliwanag mo.” Sumagot si Jose sa Faraon, na sinasabi, “Hindi ako, ang Diyos ang sasagot sa kapayapaan ng Faraon.” Pagkatapos ay sinabi ng Faraon kay Jose, “Sa aking panaginip ay nakatayo ako sa pampang ng Nilo; may umahon sa ilog na pitong bakang matataba at magaganda ang anyo, at kumain ng damo. Pagkatapos nito, may ibang pitong baka na nagsiahon sa likuran nila, mga payat, at napakapangit ang anyo, at payat na kailanma'y hindi ako nakakita sa buong lupain ng Ehipto ng kagaya ng mga iyon sa kapangitan. Kinain ng mga bakang payat at pangit ang pitong nauunang bakang matataba. Nang makain na nila ang mga iyon ay walang makapagsasabi na kinain nila ang mga iyon sapagkat ang kanilang anyo ay pangit ding gaya ng una. At nagising ako. Nakakita rin ako sa aking panaginip ng pitong uhay na umuusbong sa isang tangkay, mabibintog at malulusog; at pitong uhay na lanta, payat at tinuyo ng hanging silangan ang umuusbong na kasunod ng mga iyon. Nilamon ng mga uhay na lanta ang pitong uhay na mabibintog. Isinalaysay ko ito sa mga salamangkero, subalit walang makapagpaliwanag ng kahulugan niyon sa akin.” Kaya't sinabi ni Jose sa Faraon, “Ang panaginip ng Faraon ay iisa; ipinakita ng Diyos sa Faraon ang malapit na niyang gawin. Ang pitong malulusog na baka ay pitong taon; at ang pitong mabibintog na uhay ay pitong taon. Ito ay iisang panaginip. At ang pitong payat at pangit na baka na umahong kasunod ng mga iyon ay pitong taon, gayundin ang pitong uhay na tinuyo ng hanging silangan; ang mga iyon ay pitong taong taggutom. Ito ang aking sinabi sa Faraon. Ang malapit nang gawin ng Diyos ay ipinaalam niya sa Faraon. Magkakaroon ng pitong taong kasaganaan sa buong lupain ng Ehipto. Pagkatapos ng mga iyon, magkakaroon ng pitong taong taggutom at ang lahat ng kasaganaan sa lupain ng Ehipto ay malilimutan at sasalantain ng taggutom ang lupain. Ang kasaganaan sa lupain ay hindi maaalala dahil sa taggutom na susunod; sapagkat ito'y magiging napakatindi. Tungkol sa pag-uulit ng panaginip sa Faraon na makalawa, ito ay nangangahulugan na ang bagay ay itinatag ng Diyos, at iyon ay madali nang gawin ng Diyos. Ngayon nga'y pahanapin ang Faraon ng isang taong matalino at pantas at pamahalain siya sa lupain ng Ehipto. Gawin ng Faraon na maglagay ng mga tagapamahala sa lupain, at kunin ang ikalimang bahagi ng bunga ng lupain ng Ehipto sa loob ng pitong taong kasaganaan. Tipunin nilang lahat ang mga pagkain nitong dumarating na masasaganang taon, at ikamalig ang mga trigo sa ilalim ng kamay ng Faraon, bilang pagkain sa mga bayan, at itabi ang mga ito. Ang pagkain ay maging laan para sa lupain sa pitong taong taggutom na mangyayari sa lupain ng Ehipto, upang huwag mapuksa ang lupain dahil sa taggutom.” Ang mungkahi ay ikinatuwa ng Faraon at ng kanyang mga lingkod. Kaya't sinabi ng Faraon sa kanyang mga lingkod, “Makakakita kaya tayo ng isang taong kagaya nito, na kinakasihan ng espiritu ng Diyos?” Sinabi ng Faraon kay Jose, “Yamang itinuro sa iyo ng Diyos ang lahat ng ito, ay walang matalino o pantas na gaya mo. Ikaw ang magiging pinuno sa aking bahay, at ayon sa iyong salita ay susunod ang aking buong bayan; tanging tungkol lamang sa pagkahari magiging mataas ako kaysa iyo.”