Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

GENESIS 3:1-15

GENESIS 3:1-15 ABTAG01

Ang ahas nga ay higit na tuso kaysa alinman sa mga mailap na hayop sa parang na nilikha ng PANGINOONG Diyos. Sinabi niya sa babae, “Sinabi ba ng Diyos, ‘Huwag ninyong kakainin ang mula sa alinmang punungkahoy sa halamanan?’” At sinabi ng babae sa ahas, “Makakain namin ang bunga ng mga punungkahoy sa halamanan; subalit sinabi ng Diyos, ‘Huwag ninyong kakainin ang bunga ng punungkahoy na nasa gitna ng halamanan; huwag din ninyo itong hihipuin, kundi kayo'y mamamatay.’” Subalit sinabi ng ahas sa babae, “Tiyak na hindi kayo mamamatay. Sapagkat nalalaman ng Diyos na kapag kayo'y kumain noon ay mabubuksan ang inyong mga mata, at kayo'y magiging kagaya ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.” Kaya't nang makita ng babae na ang bunga ng punungkahoy ay mabuting kainin, nakakalugod sa paningin, na dapat nasain upang maging matalino, siya ay pumitas ng bunga nito at kinain ito; at binigyan din niya ang kanyang asawa na kasama niya, at siya'y kumain. At parehong nabuksan ang kanilang mga mata, at nalaman nilang sila'y mga hubad. Magkasama silang nagtahi ng mga dahon ng puno ng igos, at kanilang ginawang panakip. Narinig nila ang tinig ng PANGINOONG Diyos na lumalakad sa halamanan sa malamig na bahagi ng maghapon. Nagtago ang lalaki at ang kanyang asawa sa PANGINOONG Diyos sa mga punungkahoy sa halamanan. Tinawag ng PANGINOONG Diyos ang lalaki at sa kanya'y sinabi, “Saan ka naroon?” Sinabi niya, “Narinig ko ang iyong tinig sa halamanan at ako'y natakot, sapagkat ako'y hubad; at ako'y nagtago.” At sinabi niya, “Sinong nagsabi sa iyong ikaw ay hubad? Kumain ka ba ng bunga ng punungkahoy, na iniutos ko sa iyong huwag mong kainin?” Sinabi ng lalaki, “Ang babaing ibinigay mo na aking makakasama ang nagbigay sa akin ng bunga ng punungkahoy at ito'y aking kinain.” Sinabi ng PANGINOONG Diyos sa babae, “Ano itong iyong ginawa?” Sinabi ng babae, “Dinaya ako ng ahas, at ako'y kumain.” Sinabi ng PANGINOONG Diyos sa ahas, “Sapagkat ginawa mo ito ay isinumpa ka nang higit sa lahat ng hayop, at nang higit sa bawat mailap na hayop sa parang; ang iyong tiyan ang ipanggagapang mo, at alabok ang iyong kakainin sa lahat ng mga araw ng iyong buhay. Maglalagay ako sa iyo at sa babae ng pagkapoot sa isa't isa, at sa iyong binhi at sa kanyang binhi. Ito ang dudurog ng iyong ulo, at ikaw ang dudurog ng kanyang sakong.”