Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

GALACIA 3:15-29

GALACIA 3:15-29 ABTAG01

Mga kapatid, ako ay nagsasalita ayon sa tao, kapag napagtibay na ang tipan ng isang tao, walang makapagdaragdag o makapagpapawalang-bisa nito. Ngayon, ang mga pangako ay ginawa kay Abraham at sa kanyang binhi. Hindi sinasabi, “At sa mga binhi,” na tungkol sa marami; kundi tungkol sa iisa, “At sa iyong binhi,” na si Cristo. Ito ang ibig kong sabihin: “Ang kautusan, na dumating pagkaraan ng apat na raan at tatlumpung taon, ay hindi nagpapawalang-bisa sa tipan na dati nang pinagtibay ng Diyos, upang pawalang-saysay ang pangako. Sapagkat kung ang mana ay sa pamamagitan ng kautusan, ito ay hindi na sa pamamagitan ng pangako, subalit ipinagkaloob ito ng Diyos kay Abraham sa pamamagitan ng pangako. Bakit pa mayroong kautusan? Ito ay idinagdag dahil sa mga paglabag, hanggang sa dumating ang binhi na siyang pinangakuan; at ito'y ibinigay sa pamamagitan ng mga anghel sa kamay ng isang tagapamagitan. Ngayon, ang tagapamagitan ay nangangahulugan na may higit sa iisang panig; subalit ang Diyos ay iisa. Kung gayon, ang kautusan ba ay salungat sa mga pangako ng Diyos? Huwag nawang mangyari. Sapagkat kung ibinigay ang isang kautusan na makapagbibigay-buhay, samakatuwid, ang katuwiran ay sa pamamagitan ng kautusan. Subalit ibinilanggo ng kasulatan ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kasalanan, upang ang ipinangako sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo ay maibigay sa mga sumasampalataya. Ngunit bago dumating ang pananampalataya, nabibilanggo tayo at binabantayan sa ilalim ng kautusan, hanggang sa ang pananampalataya ay ipahayag. Kaya't ang kautusan ay naging ating tagasupil hanggang sa dumating si Cristo, upang tayo'y ariing-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya. Subalit ngayong dumating na ang pananampalataya, tayo ay wala na sa ilalim ng tagasupil. Sapagkat kay Cristo Jesus, kayong lahat ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya. Sapagkat ang lahat na sa inyo na binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo. Walang Judio o Griyego, walang alipin o malaya, walang lalaki o babae, sapagkat kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus. At kung kayo'y kay Cristo, kayo nga'y mga binhi ni Abraham, mga tagapagmana ayon sa pangako.