Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

GALACIA 2:1-14

GALACIA 2:1-14 ABTAG01

Pagkalipas ng labing-apat na taon, muli akong nagtungo sa Jerusalem kasama si Bernabe, at isinama ko rin si Tito. Ngunit ako'y nagtungo dahil sa isang pahayag, at isinaysay ko sa harapan nila ang ebanghelyo na aking ipinangangaral sa mga Hentil (subalit palihim sa harapan ng mga kinikilalang pinuno), baka sa anumang paraan ako'y tumatakbo, o tumakbo nang walang kabuluhan. Subalit maging si Tito na kasama ko ay hindi pinilit na patuli, bagama't isang Griyego. Subalit dahil sa mga huwad na kapatid na lihim na ipinasok, na pumasok upang tiktikan ang kalayaan na taglay namin kay Cristo Jesus, upang kami'y alipinin— sa kanila ay hindi kami sumuko upang magpasakop, kahit isang saglit, upang ang katotohanan ng ebanghelyo ay manatili sa inyo. Subalit mula sa mga wari'y mga kinikilalang pinuno—maging anuman sila, ay walang anuman sa akin: ang Diyos ay hindi nagpapakita ng pagtatangi—ang mga pinunong iyon ay hindi nagdagdag ng anuman sa akin. Kundi nang makita nila na sa akin ay ipinagkatiwala ang ebanghelyo para sa mga hindi tuli, kung paanong ipinagkatiwala kay Pedro ang ebanghelyo sa mga tuli, sapagkat ang gumawa sa pamamagitan ni Pedro sa pagka-apostol sa mga tuli ay siya ring gumawa sa akin sa pagka-apostol sa mga Hentil; at nang malaman nila ang biyayang sa akin ay ipinagkaloob, ang mga kanang kamay ng pakikisama ay ibinigay sa akin at kay Bernabe nina Santiago, Cefas at Juan, sila na itinuturing na mga haligi, upang kami ay pumunta sa mga Hentil, at sila'y para sa mga tuli. Ang kanila lamang hiniling ay aming alalahanin ang mga dukha, na siya namang aking pinananabikang gawin. Ngunit nang dumating si Cefas sa Antioquia, sumalungat ako sa kanya nang mukhaan, sapagkat siya'y nahatulang nagkasala. Bago dumating ang ilan mula kay Santiago, dati siyang nakikisalo sa mga Hentil. Ngunit nang sila'y dumating, siya'y umurong at humiwalay dahil natatakot sa pangkat ng pagtutuli. At ang ibang mga Judio ay nakisama sa kanya sa ganitong pagkukunwari, kaya't maging si Bernabe ay natangay ng kanilang pagkukunwari. Ngunit nang makita ko na hindi sila lumalakad nang matuwid sa katotohanan ng ebanghelyo, sinabi ko kay Cefas sa harapan nilang lahat, “Kung ikaw, na Judio, ay namumuhay gaya ng mga Hentil at di gaya ng mga Judio, bakit mo pinipilit ang mga Hentil na mamuhay na gaya ng mga Judio?”