Nang magkagayo'y nag-utos si Haring Dario, at gumawa ng pagsasaliksik sa Babilonia, sa bahay ng mga aklat na kinalalagyan ng mga kasulatan.
Sa Ecbatana sa palasyong nasa lalawigan ng Media, isang balumbon ang natagpuan na doo'y nakasulat ang ganito: “Isang tala.
Nang unang taon ni Haring Ciro, si Haring Ciro ay nagbigay ng utos: Tungkol sa bahay ng Diyos sa Jerusalem, hayaang muling maitayo ang bahay, ang lugar na kanilang pinag-aalayan ng mga handog at dinadala ang handog na sinusunog. Ang taas nito ay magiging animnapung siko, at ang luwang nito'y animnapung siko,
na may tatlong hanay ng malalaking bato at isang hanay ng kahoy; at ang magugugol ay babayaran mula sa kabang-yaman ng kaharian.
Gayundin, ang mga kagamitang ginto at pilak ng bahay ng Diyos na inilabas ni Nebukadnezar sa templo na nasa Jerusalem, at dinala sa Babilonia, ay isauli at ibalik sa templo na nasa Jerusalem, bawat isa'y sa kanyang lugar, at ilagay mo ang mga iyon sa bahay ng Diyos.”
“Kaya't ngayon, Tatenai, na tagapamahala ng lalawigan sa kabila ng Ilog, Setarboznai, at ang inyong mga kasamang tagapamahala na nasa mga lalawigan sa kabila ng Ilog, lumayo kayo.
Hayaan ninyo ang gawain sa bahay na ito ng Diyos; hayaan ninyong muling itayo ng tagapamahala ng mga Judio at ng matatanda ng mga Judio ang bahay na ito ng Diyos sa lugar nito.
Bukod dito'y gumagawa ako ng utos kung ano ang inyong gagawin sa matatandang ito ng mga Judio para sa muling pagtatayo ng bahay na ito ng Diyos. Ang magugugol ay ibigay ng buo sa mga taong ito at walang pagkaantala mula sa kinita ng kaharian, mula sa buwis ng lalawigan sa kabila ng Ilog.
At anumang kailangan—mga batang toro, mga tupa, o mga kordero para sa mga handog na sinusunog para sa Diyos ng langit, trigo, asin, alak, o langis, ayon sa kailangan ng mga pari na nasa Jerusalem, ay patuloy ninyong ibigay sa kanila araw-araw,
upang sila'y makapaghandog ng mga alay na kalugud-lugod sa Diyos ng langit, at idalangin ang buhay ng hari at ng kanyang mga anak.
Gayundin, ako'y gumagawa ng utos na sinumang bumago ng kautusang ito, isang biga ang huhugutin sa kanyang bahay, at siya'y tutuhugin doon, at ang kanyang bahay ay magiging tambakan ng dumi.
Ang Diyos na siyang gumawa upang makapanirahan ang kanyang pangalan doon, nawa'y ibagsak ang sinumang hari o bayan na mag-uunat ng kanilang kamay upang ito'y baguhin, o gibain ang bahay na ito ng Diyos na nasa Jerusalem. Akong si Dario ang gumawa ng utos; ipatupad ito nang buong sikap.”
Pagkatapos, ayon sa salitang ipinadala ni Haring Dario, buong sikap na ginawa ni Tatenai na tagapamahala sa lalawigan sa kabila ng Ilog, ni Setarboznai, at ng kanilang mga kasama ang iniutos ni Haring Dario.
Ang matatanda ng mga Judio ay nagtayo at umunlad sa pamamagitan ng ginawang propesiya ni Hagai na propeta at ni Zacarias na anak ni Iddo. Natapos nila ang pagtatayo sa utos ng Diyos ng Israel, at sa utos nina Ciro, Dario, at Artaxerxes na hari ng Persia.
Ang bahay na ito ay nayari nang ikatlong araw ng buwan ng Adar, nang ikaanim na taon ng paghahari ni Haring Dario.
At ang mga anak ni Israel, ang mga pari, mga Levita, at ang iba pa sa mga bumalik na bihag ay nagdiwang na may galak sa pagtatalaga ng bahay na ito ng Diyos.
Sila'y naghandog sa pagtatalaga ng bahay na ito ng Diyos ng isandaang toro, dalawandaang lalaking tupa, apatnaraang kordero; at bilang handog pangkasalanan para sa buong Israel ay labindalawang kambing na lalaki, ayon sa bilang ng mga lipi ng Israel.
At kanilang inilagay ang mga pari sa kani-kanilang mga pangkat, at ang mga Levita sa kanilang mga paghali-halili, para sa paglilingkod sa Diyos sa Jerusalem, gaya ng nakasulat sa aklat ni Moises.
Nang ikalabing-apat na araw ng unang buwan, ang mga bumalik na bihag ay nangilin ng Paskuwa.
Sapagkat ang mga pari at ang mga Levita ay magkakasamang naglinis ng kanilang sarili, silang lahat ay malilinis. Kaya't kanilang pinatay ang kordero ng Paskuwa para sa lahat ng bumalik na bihag, para sa mga kapatid nilang pari, at para sa kanilang sarili.
Ito ay kinain ng mga anak ni Israel na bumalik mula sa pagkabihag, at gayundin ng bawat isa na sumama sa kanila at inihiwalay ang sarili sa karumihan ng mga bansa ng lupain upang sumamba sa PANGINOON, ang Diyos ng Israel.
At kanilang isinagawa na may kagalakan ang kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa sa loob ng pitong araw. Pinasaya sila ng PANGINOON, at ikiniling sa kanila ang puso ng hari ng Asiria, kaya't kanyang tinulungan sila sa paggawa ng bahay ng Diyos, ang Diyos ng Israel.