Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

EXODO 13:1-22

EXODO 13:1-22 ABTAG01

Ang PANGINOON ay nagsalita kay Moises, “Italaga mo sa akin ang lahat ng mga panganay, anumang nagbubukas ng bahay-bata sa mga anak ni Israel, maging sa tao at maging sa hayop ay akin.” Sinabi ni Moises sa bayan, “Alalahanin ninyo ang araw na ito na lumabas kayo sa Ehipto, sa bahay ng pagkaalipin; sapagkat sa pamamagitan ng lakas ng kamay ay inilabas kayo ng PANGINOON mula sa dakong ito, walang kakain ng tinapay na may pampaalsa. Sa araw na ito, na buwan ng Abib, ay lalabas kayo. Kapag dinala ka na ng PANGINOON sa lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Heveo, at Jebuseo, na kanyang ipinangako sa iyong mga ninuno na ibibigay sa iyo, isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot, iyong iingatan ang pangingilin na ito. Pitong araw na kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa, at sa ikapitong araw ay magkakaroon ng isang kapistahan sa PANGINOON. Tinapay na walang pampaalsa ang kakainin sa loob ng pitong araw; at dapat walang makitang tinapay na may pampaalsa sa iyo ni makakita ng pampaalsa sa iyo, sa lahat ng iyong nasasakupan. Sasabihin mo sa iyong anak sa araw na iyon, ‘Dahil sa ginawa ng PANGINOON sa akin nang ako'y umalis sa Ehipto.’ Iyon ay magsisilbing isang tanda para sa iyo sa ibabaw ng iyong kamay, at bilang alaala sa pagitan ng iyong mga mata, upang ang kautusan ng PANGINOON ay sumaiyong bibig sapagkat sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay ay inilabas ka ng PANGINOON sa Ehipto. Kaya't ingatan mo ang tuntuning ito sa takdang panahon nito taun-taon. “Kapag dinala ka na ng PANGINOON sa lupain ng Cananeo, gaya ng ipinangako sa iyo at sa iyong mga ninuno, at pagkabigay niyon sa iyo, ibubukod mo para sa PANGINOON ang lahat ng nagbubukas ng bahay-bata. Lahat ng panganay na lalaki ng iyong mga hayop ay sa PANGINOON. Bawat panganay ng asno ay tutubusin mo ng isang kordero; at kung hindi mo tutubusin ito, iyong babaliin ang leeg nito. Lahat ng mga panganay na lalaki sa iyong mga anak ay iyong tutubusin. At kapag nagtanong sa iyo ang iyong anak sa panahong darating, na sasabihin, ‘Ano ito?’ iyong sasabihin sa kanya, ‘Sa pamamagitan ng lakas ng kamay ay inilabas tayo ng PANGINOON sa Ehipto, mula sa bahay ng pagkaalipin. Nang magmatigas ang Faraon na hindi kami payagang umalis ay pinatay ng PANGINOON ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto, ang panganay ng tao at gayundin ang panganay ng hayop. Kaya't aking inihahandog sa PANGINOON ang lahat ng mga lalaki na nagbubukas ng bahay-bata; ngunit lahat ng panganay ng aking anak ay aking tinutubos.’ Ito ay magiging tanda sa iyong kamay at bilang alaala sa pagitan ng iyong mga mata, sapagkat sa pamamagitan ng lakas ng kamay ay inilabas tayo ng PANGINOON sa Ehipto.” Nang payagan ng Faraon na umalis ang bayan, hindi sila dinala ng Diyos sa daang patungo sa lupain ng mga Filisteo, bagaman malapit iyon sapagkat sinabi ng Diyos, “Baka ang bayan ay magsisi kapag nakakita ng digmaan at magbalikan sa Ehipto.” Kundi pinatnubayan ng Diyos ang taong-bayan paikot sa daang patungo sa ilang sa tabi ng Dagat na Pula. Ang mga anak ni Israel ay umahon mula sa lupain ng Ehipto na handa sa pakikipaglaban. Dinala ni Moises ang mga buto ni Jose sapagkat mahigpit niyang pinapanumpa ang mga anak ni Israel, na sinasabi, “Tiyak na bibigyang-pansin kayo ng Diyos, at inyong dadalhin ang aking mga buto mula rito na kasama ninyo.” Sila'y naglakbay mula sa Sucot at humimpil sa Etam, sa hangganan ng ilang. Ang PANGINOON ay nangunguna sa kanila sa araw, sa isang haliging ulap upang patnubayan sila sa daan; at sa gabi ay sa isang haliging apoy upang tanglawan sila; upang sila'y makapaglakad sa araw at sa gabi. Ang haliging ulap sa araw at ang haliging apoy sa gabi ay hindi umalis sa unahan ng taong-bayan.