Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

EXODO 10:10-29

EXODO 10:10-29 ABTAG01

Kanyang sinabi sa kanila, “Sumainyo nawa ang PANGINOON, kung kayo'y aking papayagan, at ang inyong maliliit na umalis! Tingnan ninyo, mayroon kayong masamang binabalak. Hindi, hindi kailanman! Maaaring umalis ang inyong mga kalalakihan at sumamba sa PANGINOON, sapagkat iyan ang inyong hinihingi.” At sila'y ipinagtabuyan mula sa harap ng Faraon. Pagkatapos, sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Iunat mo ang iyong kamay sa lupain ng Ehipto, upang dumating dito ang mga balang at kainin ang lahat ng halaman sa lupain, maging ang lahat ng iniwan ng yelong ulan.” Kaya't iniunat ni Moises ang kanyang tungkod sa lupain ng Ehipto, at ang PANGINOON ay nagpahihip ng hanging amihan sa lupain ng buong araw na iyon at ng buong gabi; at nang mag-umaga ay dinala ng hanging amihan ang mga balang. Ang mga balang ay lumapag sa buong lupain ng Ehipto at dumagsa sa lahat ng hangganan ng Ehipto; totoong napakakapal ng mga balang na hindi nangyari noon at hindi na mangyayari pa. Sapagkat tinakpan ng mga iyon ang ibabaw ng buong lupain, kaya't ang lupain ay nagdilim. Kinain nila ang lahat ng halaman sa lupain at ang lahat na bunga ng mga punungkahoy na iniwan ng yelong ulan at walang natirang anumang sariwang bagay, maging sa punungkahoy o sa halaman sa parang, sa buong lupain ng Ehipto. Pagkatapos ay nagmamadaling ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron at kanyang sinabi, “Ako'y nagkasala laban sa PANGINOON ninyong Diyos at laban sa inyo. Ipatawad mo ang aking kasalanan, ngayon na lamang at hilingin ninyo sa PANGINOON ninyong Diyos, ilayo man lamang sa akin ang nakakamatay na bagay na ito.” Kaya't iniwan niya ang Faraon at nakiusap sa PANGINOON. Pinabalik ng PANGINOON ang isang napakalakas na hanging habagat na siyang tumangay sa mga balang, at itinaboy ang mga ito sa Dagat na Pula; walang natira kahit isang balang sa buong nasasakupan ng Ehipto. Subalit pinatigas ng PANGINOON ang puso ni Faraon at hindi niya pinayagang umalis ang mga anak ni Israel. Sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Iunat mo ang iyong kamay paharap sa langit, upang magdilim sa lupain ng Ehipto ng isang kadilimang mararamdaman.” Kaya't iniunat ni Moises ang kanyang kamay paharap sa langit, at nagkaroon ng makapal na kadiliman sa buong lupain ng Ehipto ng tatlong araw. Sila'y hindi magkakitaan, at walang tumindig na sinuman sa kinaroroonan niya sa loob ng tatlong araw; ngunit lahat ng mga anak ni Israel ay may liwanag sa kanilang tirahan. Ipinatawag ng Faraon si Moises at sinabi, “Humayo kayo, maglingkod kayo sa PANGINOON; iwan lamang ninyo ang inyong mga kawan at ang inyong mga baka. Isama na rin ninyo ang inyong mga anak.” Ngunit sinabi ni Moises, “Dapat ding magbigay ka sa aming kamay ng mga alay at mga handog na sinusunog upang aming maihandog sa PANGINOON naming Diyos. Ang aming hayop ay isasama rin namin; wala kahit isang paa na maiiwan, sapagkat kailangang pumili kami ng ilan sa mga iyon para sa pagsamba sa PANGINOON naming Diyos. Hindi namin nalalaman kung ano ang aming gagamitin sa pagsamba sa PANGINOON, hanggang sa kami ay dumating doon.” Subalit pinatigas ng PANGINOON ang puso ng Faraon at hindi niya pinayagang umalis sila. Sinabi ng Faraon sa kanya, “Umalis ka sa harap ko! Tiyakin mong huwag nang makitang muli ang aking mukha, sapagkat sa araw na iyong makita ang aking mukha ay mamamatay ka.” Sinabi ni Moises, “Gaya ng sinabi mo! Hindi ko na muling makikita ang iyong mukha.”