“At ngayon, O Israel, ano ba ang hinihingi sa iyo ng PANGINOON mong Diyos? Kundi matakot ka sa PANGINOON mong Diyos, lumakad ka sa lahat ng kanyang mga daan, at ibigin mo siya, at paglingkuran mo ang PANGINOON mong Diyos ng buong puso at ng buong kaluluwa mo,
na tuparin ang mga utos ng PANGINOON, at ang kanyang mga tuntunin na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito para sa iyong ikabubuti.
Bagaman, sa PANGINOON mong Diyos ang langit, at ang langit ng mga langit, ang lupa, at ng lahat na naroroon,
ang PANGINOON ay nalugod na ibigin ang iyong mga ninuno, at kanyang pinili ang kanilang mga anak pagkamatay nila, samakatuwid ay kayo, sa lahat ng mga bayan na gaya ng nakikita sa araw na ito.
Tuliin ninyo ang balat ng inyong puso, at huwag ninyong papagmatigasin ang inyong ulo.
Sapagkat ang PANGINOON ninyong Diyos ay siyang Diyos ng mga diyos, at PANGINOON ng mga panginoon, siyang dakilang Diyos, siyang makapangyarihan at siyang kakilakilabot, na hindi nagtatangi ng tao ni tumatanggap ng suhol.
Kanyang hinahatulan nang matuwid ang ulila at babaing balo, at iniibig ang mga nakikipamayan, na binibigyan niya ng pagkain at kasuotan.
Ibigin ninyo ang mga dayuhan, sapagkat kayo'y naging mga dayuhan din sa lupain ng Ehipto.
Matakot ka sa PANGINOON mong Diyos. Maglingkod ka sa kanya, at sa kanya'y manatili ka, at sa pamamagitan ng kanyang pangalan ay sumumpa ka.
Siya ang iyong kapurihan, at siya ang iyong Diyos, na gumawa para sa iyo nitong mga dakila at kakilakilabot na mga bagay na nakita ng iyong mga mata.
Ang iyong mga ninuno ay lumusong sa Ehipto na may pitumpung katao; at ngayo'y ginawa ka ng PANGINOON mong Diyos na kasindami ng mga bituin sa langit.