Mula sa Mileto ay nagpasugo siya sa Efeso at ipinatawag ang matatanda ng iglesya. Nang sila'y makarating sa kanya, ay sinabi niya sa kanila, “Nalalaman ninyo kung paanong namuhay akong kasama ninyo sa buong panahon mula sa unang araw na ako'y tumuntong sa Asia, na naglilingkod sa Panginoon ng buong kapakumbabaan at may luha, at may mga pagsubok na dumating sa akin dahil sa mga pagtatangka ng mga Judio. Hindi ko ipinagkait na ipahayag sa inyo ang anumang bagay na kapaki-pakinabang, at hayag na nagtuturo sa inyo, at sa mga bahay-bahay, na nagpapatotoo sa mga Judio at gayundin sa mga Griyego tungkol sa pagsisisi tungo sa Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Jesu-Cristo. At ngayon, bilang bihag sa Espiritu ay patungo ako sa Jerusalem, na hindi nalalaman ang mga bagay na mangyayari sa akin doon; maliban na ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo sa akin sa bawat lunsod, na sinasabing ang mga tanikala at ang kapighatian ay naghihintay sa akin. Ngunit hindi ko itinuturing ang aking buhay na mahalaga sa aking sarili, upang maganap ko lamang ang aking katungkulan at ang ministeryong tinanggap ko sa Panginoong Jesus, na magpatotoo sa magandang balita ng biyaya ng Diyos. “At ngayon, nalalaman ko na kayong lahat na aking nilibot na pinapangaralan ng kaharian, ay hindi na muling makikita pa ang aking mukha. Kaya nga pinatototohanan ko sa inyo sa araw na ito, na ako'y walang pananagutan sa dugo ng sinuman sa inyo, sapagkat hindi ko ipinagkait na ipahayag sa inyo ang buong kapasiyahan ng Diyos. Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan. Sa kanila'y inilagay kayo ng Espiritu Santo na mga tagapangasiwa upang pangalagaan ninyo ang iglesya ng Diyos na binili niya ng kanyang sariling dugo. Alam ko na pag-alis ko ay papasok sa kalagitnaan ninyo ang mababangis na asong-gubat na walang patawad sa kawan; at lilitaw mula sa inyo na ring kasamahan ang mga taong magsasalita ng mga bagay na lihis, upang akitin ang mga alagad na sumunod sa kanila.
Basahin MGA GAWA 20
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: MGA GAWA 20:17-30
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas