Pagkatapos ng mga bagay na ito, umalis si Pablo sa Atenas, at pumunta sa Corinto.
Natagpuan niya roon ang isang Judio na ang pangalan ay Aquila, isang lalaking tubong Ponto, na kararating pa lamang mula sa Italia, kasama si Priscila na kanyang asawa, sapagkat ipinag-utos ni Claudio na ang lahat ng Judio ay umalis sa Roma. Pumunta si Pablo sa kanila;
at dahil ang hanapbuhay niya'y tulad din ng kanila, tumuloy siya sa kanila, at sila'y magkakasamang nagtrabaho—parehong paggawa ng tolda ang hanapbuhay nila.
At siya'y nakikipagtalo tuwing Sabbath sa sinagoga at sinisikap na mahikayat ang mga Judio at mga Griyego.
Nang sina Silas at Timoteo ay dumating mula sa Macedonia, si Pablo ay naging abala sa pangangaral at pinatotohanan sa mga Judio na ang Cristo ay si Jesus.
Nang sila'y tumutol at lapastanganin siya, ipinagpag niya ang kanyang kasuotan at sa kanila'y sinabi, “Ang inyong dugo'y sumainyong sariling mga ulo! Ako'y malinis. Mula ngayon, pupunta ako sa mga Hentil.”
Siya'y umalis doon at pumasok sa bahay ng isang lalaking ang pangalan ay Tito Justo, na sumasamba sa Diyos; ang kanyang bahay ay katabi ng sinagoga.
At si Crispo, ang pinuno sa sinagoga ay nanampalataya sa Panginoon, kasama ang kanyang buong sambahayan; at marami sa mga taga-Corinto dahil sa pakikinig kay Pablo ay nanampalataya at nabautismuhan.
Isang gabi, sinabi ng Panginoon kay Pablo sa isang pangitain, “Huwag kang matakot, kundi magsalita ka, at huwag kang tumahimik;
sapagkat ako'y kasama mo, at walang taong gagalaw sa iyo upang saktan ka; sapagkat marami akong tao sa lunsod na ito.”
At siya'y nanatili roon ng isang taon at anim na buwan, na itinuturo sa kanila ang salita ng Diyos.
Subalit nang si Galio ay proconsul ng Acaia, ang mga Judio ay nagkaisang dakpin si Pablo at siya'y dinala sa harapan ng hukuman.
Kanilang sinabi, “Hinihikayat ng taong ito ang mga tao na sumamba sa Diyos laban sa kautusan.”
Ngunit nang magsasalita na si Pablo ay sinabi ni Galio sa mga Judio, “Kung ito'y tungkol sa masamang gawa o mabigat na kasalanan, ay may dahilan akong pagtiisan kayong mga Judio,
ngunit yamang ito ay usapin tungkol sa mga salita at mga pangalan at sa inyong sariling kautusan, kayo na ang bahala rito; wala akong hangad na maging hukom sa mga bagay na ito.”
At sila'y pinaalis niya sa hukuman.
Sinunggaban nilang lahat si Sostenes, ang pinuno sa sinagoga, at siya'y binugbog sa harapan ng hukuman. Ngunit hindi pinansin ni Galio ang mga bagay na ito.
Ngunit si Pablo ay nanatili pa ng ilang araw, pagkatapos ay nagpaalam na sa mga kapatid, at buhat doo'y naglakbay patungo sa Siria, at kasama niya sina Priscila at Aquila. Inahit niya ang kanyang buhok sa Cencrea, sapagkat siya'y may panata.
Pagdating nila sa Efeso sila'y iniwan niya roon; ngunit pumasok muna siya sa sinagoga at nakipagtalo sa mga Judio.
Nang siya'y pinakiusapan nila na tumigil pa roon ng mas mahabang panahon, ay hindi siya pumayag,
kundi nang siya'y nagpaalam sa kanila, ay sinabi, “Babalik uli ako sa inyo kung loloobin ng Diyos.” At siya'y naglakbay buhat sa Efeso.
Nang dumaong na siya sa Cesarea, siya'y pumunta sa Jerusalem at bumati sa iglesya, at pagkatapos ay nagtungo sa Antioquia.