Nagtanong si David, “May nalalabi pa ba sa sambahayan ni Saul upang aking mapagpakitaan ng kabutihan alang-alang kay Jonathan?”
Noon ay may isang lingkod sa sambahayan ni Saul na ang pangalan ay Ziba. Kanilang tinawag siya upang humarap kay David, at sinabi ng hari sa kanya, “Ikaw ba si Ziba?” At kanyang sinabi, “Ako nga ang iyong lingkod.”
Sinabi ng hari, “Mayroon pa bang nalalabi sa sambahayan ni Saul upang siya'y mapagpakitaan ko ng kabutihan ng Diyos?” At sinabi ni Ziba sa hari, “Mayroon pang isang anak si Jonathan; pilay ang kanyang mga paa.”
At sinabi ng hari sa kanya, “Saan siya naroroon?” Sinabi ni Ziba sa hari, “Siya'y nasa bahay ni Makir na anak ni Amiel, sa Lodebar.”
Kaya't nagsugo si Haring David at ipinakuha siya sa bahay ni Makir na anak ni Amiel mula sa Lodebar.
Si Mefiboset, na anak ni Jonathan, na anak ni Saul, ay pumaroon kay David, nagpatirapa sa kanyang harap, at nagbigay galang. At sinabi ni David, “Mefiboset.” Siya'y sumagot, “Ako ang iyong lingkod!”
Sinabi ni David sa kanya, “Huwag kang matakot, sapagkat pagpapakitaan kita ng kabutihan alang-alang kay Jonathan na iyong ama. Ibabalik ko sa iyo ang lahat ng lupain ni Saul na iyong ama at ikaw ay palaging kakain sa aking hapag.”
At siya'y nagbigay galang at nagsabi, “Ano ang iyong lingkod upang iyong tingnan ang isang asong patay na gaya ko?”
Nang magkagayo'y tinawag ng hari si Ziba na lingkod ni Saul, at sinabi sa kanya, “Lahat ng nauukol kay Saul at sa kanyang buong sambahayan ay aking ibinigay sa anak ng iyong panginoon.
Ikaw, ang iyong mga anak at mga alipin ay magbubungkal ng lupa para sa kanya, at iyong dadalhin dito ang mga bunga, upang ang anak ng iyong panginoon ay magkaroon ng tinapay na makakain. Ngunit si Mefiboset na anak ng iyong panginoon ay palaging kakain sa aking hapag.” Si Ziba ay may labinlimang anak na lalaki at dalawampung alipin.
Pagkatapos ay sinabi ni Ziba sa hari, “Ayon sa lahat ng iniutos ng aking panginoong hari sa kanyang lingkod ay gayon ang gagawin ng iyong lingkod.” Kaya't si Mefiboset ay kumain sa hapag ni David na gaya ng isa sa mga anak ng hari.
Si Mefiboset ay may isang anak na binata na ang pangalan ay Mica. At lahat ng naninirahan sa bahay ni Ziba ay naging mga lingkod ni Mefiboset.
Kaya't nanirahan si Mefiboset sa Jerusalem, sapagkat siya'y laging kumakain sa hapag ng hari. At pilay ang kanyang dalawang paa.