Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

II SAMUEL 12:1-14

II SAMUEL 12:1-14 ABTAG01

At isinugo ng PANGINOON si Natan kay David. Siya'y pumaroon sa kanya at sinabi sa kanya, “May dalawang lalaki sa isang lunsod, ang isa ay mayaman at ang isa ay mahirap. Ang mayaman ay mayroong napakaraming kawan at bakahan; ngunit ang mahirap ay walang anumang bagay liban sa isang munting babaing kordero na kanyang binili. Kanyang inalagaan ito at lumaki sa piling niya at ng kanyang mga anak. Kumakain ito ng kanyang sariling pagkain at umiinom sa kanyang sariling inuman, at humihiga sa kanyang kandungan, at sa kanya'y parang isang anak na babae. Noon ay may dumating na manlalakbay sa mayaman. Ayaw niyang kumuha mula sa kanyang sariling kawan at sa kanyang sariling bakahan para sa manlalakbay na dumating sa kanya. Sa halip ay kinuha niya ang kordero ng taong mahirap at inihanda sa lalaking dumating sa kanya.” At ang galit ni David ay labis na nagningas laban sa lalaki; at kanyang sinabi kay Natan, “Habang buháy ang PANGINOON, ang lalaking gumawa nito ay karapat-dapat na mamatay; kanyang ibabalik ang kordero na may dagdag na apat, sapagkat kanyang ginawa ang bagay na ito, at sapagkat siya'y walang habag.” Sinabi ni Natan kay David, “Ikaw ang lalaking iyon. Ganito ang sabi ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel, ‘Binuhusan kita ng langis upang maging hari ng Israel, at iniligtas kita sa kamay ni Saul. Ibinigay ko sa iyo ang bahay ng iyong panginoon, ang mga asawa ng iyong panginoon sa iyong kandungan, at ang sambahayan ng Israel at ng Juda; at kung ito ay maliit pa ay daragdagan pa kita ng higit. Bakit mo hinamak ang salita ng PANGINOON upang gumawa ng masama sa kanyang paningin? Tinaga mo ng tabak si Urias na Heteo, at kinuha mo ang kanyang asawa upang maging iyong asawa, at pinaslang mo siya sa pamamagitan ng tabak ng mga Ammonita. Kaya ngayon ay hindi hihiwalay kailanman ang tabak sa iyong sambahayan; sapagkat hinamak mo ako, at kinuha mo ang asawa ni Urias na Heteo upang maging iyong asawa.’ Ganito ang sabi ng PANGINOON, ‘Ako'y magpapabangon ng kasamaan laban sa iyo mula sa iyong sariling sambahayan, at kukunin ko ang iyong mga asawa sa harap ng iyong paningin, at aking ibibigay sa iyong kapwa; at kanyang sisipingan ang iyong mga asawa sa liwanag ng araw na ito. Lihim mo itong ginawa, ngunit gagawin ko ang bagay na ito sa harap ng buong Israel, at sa harap ng araw.’” At sinabi ni David kay Natan, “Ako'y nagkasala laban sa PANGINOON.” At sinabi ni Natan kay David, “Inalis din ng PANGINOON ang iyong kasalanan; hindi ka mamamatay. Gayunman, sapagkat sa pamamagitan ng gawang ito'y binigyan mo ng dahilan ang mga kaaway ng PANGINOON, na lumapastangan, ang bata naman na ipinanganak sa iyo ay mamamatay.”