Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I MGA TAGA TESALONICA 5:11-28

I MGA TAGA TESALONICA 5:11-28 ABTAG01

Dahil dito, pasiglahin ninyo ang isa't isa at patibayin ang isa't isa, gaya ng inyong ginagawa. Subalit hinihiling namin sa inyo, mga kapatid, na inyong igalang ang mga nagpapagal sa inyo, at namumuno sa inyo sa Panginoon at nagtuturo sa inyo; at lubos ninyo silang igalang na may pag-ibig dahil sa kanilang gawain. Magkaroon kayo ng kapayapaan sa isa't isa. Mga kapatid, aming isinasamo sa inyo, na inyong pangaralan ang mga tamad, palakasin ang mahihinang-loob, alalayan ang mga mahihina, at maging matiisin kayo sa lahat. Tiyakin ninyo na ang sinuman ay huwag gumanti ng masama sa masama, kundi lagi ninyong naisin ang mabuti para sa isa't isa at sa lahat. Magalak kayong lagi. Manalangin kayong walang patid. Sa lahat ng bagay ay magpasalamat kayo, sapagkat ito ang kalooban ng Diyos kay Cristo Jesus para sa inyo. Huwag ninyong patayin ang ningas ng Espiritu. Huwag ninyong hamakin ang mga pagpapahayag ng propesiya, kundi subukin ninyo ang lahat ng mga bagay; panghawakan ninyo ang mabuti. Layuan ninyo ang bawat anyo ng kasamaan. Pakabanalin nawa kayong lubos mismo ng Diyos ng kapayapaan; at ang inyong espiritu at kaluluwa at katawan ay ingatang buo, na walang kapintasan sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Tapat ang sa inyo'y tumatawag, na gagawa rin naman nito. Mga kapatid, idalangin ninyo kami. Batiin ninyo ang lahat ng mga kapatid ng banal na halik. Ipinag-uutos ko sa inyo alang-alang sa Panginoon, na basahin sa lahat ng mga kapatid ang sulat na ito. Ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo.