Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I SAMUEL 3:1-10

I SAMUEL 3:1-10 ABTAG01

Ang batang si Samuel ay naglilingkod sa PANGINOON sa harap ni Eli. At ang salita ng PANGINOON ay bihira noong mga araw na iyon; hindi madalas ang pangitain. Nang panahong iyon, si Eli na ang paningin ay nagsimula nang lumabo, kaya't siya'y hindi makakita, ay nakahiga sa kanyang silid. Ang ilawan ng Diyos ay hindi pa namamatay at si Samuel ay nakahiga sa loob ng templo ng PANGINOON na kinaroroonan ng kaban ng Diyos; at tumawag ang PANGINOON, “Samuel! Samuel!” at kanyang sinabi, “Narito ako!” Siya'y tumakbo kay Eli, at sinabi, “Narito ako, sapagkat tinawag mo ako.” At kanyang sinabi, “Hindi ako tumawag; mahiga ka uli.” Siya'y umalis at nahiga. Muling tumawag ang PANGINOON, “Samuel.” Bumangon si Samuel at naparoon kay Eli, at sinabi, “Narito ako, sapagkat ako'y tinawag mo.” Siya'y sumagot, “Hindi ako tumawag, anak ko; mahiga ka uli.” Hindi pa nakikilala ni Samuel ang PANGINOON at ang salita ng PANGINOON ay hindi pa nahahayag sa kanya. Sa ikatlong pagkakataon ay muling tinawag ng PANGINOON si Samuel. At siya'y bumangon, at naparoon kay Eli, at sinabi, “Narito ako; sapagkat ako'y iyong tinawag.” At nalaman ni Eli na tinatawag ng PANGINOON ang bata. Kaya't sinabi ni Eli kay Samuel, “Humayo ka, mahiga ka; at kung tatawagin ka niya ay iyong sasabihin, ‘Magsalita ka, PANGINOON; sapagkat nakikinig ang iyong lingkod.’” Kaya't humayo si Samuel at nahiga sa kanyang lugar. At ang PANGINOON ay dumating at tumayo, at tumawag na gaya nang una, “Samuel! Samuel!” Nang magkagayo'y sinabi ni Samuel, “Magsalita ka; sapagkat nakikinig ang iyong lingkod.”