Ang salita ng PANGINOON ay dumating kay Samuel, na sinasabi,
“Ikinalulungkot ko na ginawa kong hari si Saul sapagkat siya'y tumalikod sa pagsunod sa akin, at hindi tinupad ang aking mga utos.” At si Samuel ay nagalit, at siya'y dumaing sa PANGINOON nang buong magdamag.
Kinaumagahan, si Samuel ay bumangong maaga upang makipagkita kay Saul. At sinabi niya kay Samuel, “Si Saul ay pumunta sa Carmel at doon ay nagtayo siya para sa kanyang sarili ng isang bantayog, at pagbalik niya ay lumusong siya sa Gilgal.”
Nang dumating si Samuel kay Saul, sinabi ni Saul sa kanya, “Pagpalain ka nawa ng PANGINOON, tinupad ko na ang utos ng PANGINOON.”
Ngunit sinabi ni Samuel, “Ano kung gayon ang kahulugan nitong iyakan ng tupa at ang ungal ng mga baka na aking naririnig?”
Sinabi ni Saul, “Sila'y dinala nila mula sa mga Amalekita, sapagkat itinira ng taong-bayan ang pinakamabuti sa mga tupa at baka upang ihandog sa PANGINOON mong Diyos. Ang nalabi ay aming pinuksang lahat.”
Nang magkagayo'y sinabi ni Samuel kay Saul, “Tumigil ka! Aking sasabihin sa iyo kung ano ang sinabi ng PANGINOON sa akin sa gabing ito.” At sinabi niya sa kanya, “Sabihin mo.”
At sinabi ni Samuel, “Bagaman ikaw ay maliit sa iyong sariling paningin, hindi ba ikaw ay ginawang pinuno ng mga lipi ng Israel? At hinirang ka ng PANGINOON upang maging hari sa Israel.
Sinugo ka ng PANGINOON sa isang takdang gawain, at sinabi, ‘Humayo ka at ganap mong puksain ang mga makasalanang Amalekita, at labanan mo sila hanggang sa sila'y maubos.’
Bakit hindi mo sinunod ang tinig ng PANGINOON, kundi ikaw ay dumaluhong sa samsam, at ginawa mo ang masama sa paningin ng PANGINOON?”
Sinabi ni Saul kay Samuel, “Oo, aking sinunod ang tinig ng PANGINOON, at ako'y pumunta sa daang pinagsuguan sa akin ng PANGINOON. Aking dinala si Agag na hari ng Amalek, at aking pinatay na lahat ang mga Amalekita.
Ngunit ang taong-bayan ay kumuha mula sa mga samsam, sa mga tupa at baka, ng pinakamabuti sa mga itinalagang bagay upang ihandog sa PANGINOON mong Diyos sa Gilgal.”
At sinabi ni Samuel,
“Ang PANGINOON kaya ay may malaking kasiyahan sa mga handog na sinusunog at sa mga alay,
gaya ng pagsunod sa tinig ng PANGINOON?
Tiyak, ang pagsunod ay mas mabuti kaysa alay,
at ang pakikinig kaysa taba ng mga tupang lalaki.
Sapagkat ang paghihimagsik ay gaya ng kasalanan ng pangkukulam,
at ang katigasan ng ulo ay gaya ng katampalasanan at pagsamba sa mga diyus-diyosan.
Sapagkat itinakuwil mo ang salita ng Panginoon,
itinakuwil ka rin niya sa pagiging hari.”
At sinabi ni Saul kay Samuel, “Ako'y nagkasala, sapagkat ako'y sumuway sa utos ng PANGINOON at sa iyong mga salita, sapagkat ako'y natakot sa taong-bayan at sumunod sa kanilang tinig.
Ngayon nga'y hinihiling ko sa iyo, ipatawad mo ang aking kasalanan, at bumalik kang kasama ko upang ako'y makasamba sa PANGINOON.”
At sinabi ni Samuel kay Saul, “Hindi ako babalik na kasama mo sapagkat itinakuwil mo ang salita ng PANGINOON, at itinakuwil ka ng PANGINOON sa pagiging hari ng Israel.”
Nang tumalikod si Samuel upang umalis, hinawakan ni Saul ang laylayan ng kanyang balabal at ito ay napunit.
At sinabi ni Samuel sa kanya, “Pinunit ng PANGINOON sa iyo ang kaharian ng Israel sa araw na ito, at ibinigay sa iyong kapwa, na higit na mabuti kaysa iyo.
Gayundin ang Kaluwalhatian ng Israel ay hindi magsisinungaling o magbabago ng isipan, sapagkat siya'y hindi isang tao na dapat niyang baguhin ang kanyang isipan.”
Nang magkagayo'y kanyang sinabi, “Ako'y nagkasala. Gayunma'y parangalan mo ako ngayon sa harap ng matatanda ng aking bayan at sa harap ng Israel, at bumalik kang kasama ko upang ako'y sumamba sa PANGINOON mong Diyos.”
Kaya't bumalik si Samuel kay Saul at sumamba si Saul sa PANGINOON.
Pagkatapos ay sinabi ni Samuel, “Dalhin ninyo rito sa akin si Agag na hari ng mga Amalekita.” At masayang lumapit si Agag sa kanya. At sinabi ni Agag, “Tunay na ang pait ng kamatayan ay nakaraan na.”
Ngunit sinabi ni Samuel, “Kung paanong sa pamamagitan ng iyong tabak ay nawalan ng anak ang mga babae, magiging gayon ang iyong ina na mawawalan ng anak sa gitna ng mga babae.” At pinagputul-putol ni Samuel si Agag sa harap ng PANGINOON sa Gilgal.
Pagkatapos ay pumunta si Samuel sa Rama, at si Saul ay umahon sa kanyang bahay sa Gibea.
Hindi na muling nakita ni Samuel si Saul hanggang sa araw ng kanyang kamatayan, ngunit tinangisan ni Samuel si Saul. At ikinalungkot ng PANGINOON na kanyang ginawang hari ng Israel si Saul.