Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I SAMUEL 14:24-46

I SAMUEL 14:24-46 ABTAG01

Ang mga lalaki ng Israel ay namanglaw nang araw na iyon. Sumumpa si Saul sa taong-bayan, na sinasabi, “Sumpain ang taong kumain ng anumang pagkain hanggang sa kinahapunan at ako'y makaganti sa aking mga kaaway.” Kaya't walang sinuman sa bayan ang tumikim ng pagkain. Ang buong bayan ay dumating sa gubat at may pulot sa ibabaw ng lupa. Nang makapasok ang bayan sa gubat, ang pulot ay tumutulo ngunit walang tao na naglagay ng kanyang kamay sa kanyang bibig sapagkat ang taong-bayan ay natakot sa sumpa. Ngunit hindi narinig ni Jonathan nang magbilin ang kanyang ama sa taong-bayan na may sumpa. Kaya't kanyang iniunat ang dulo ng tungkod na nasa kanyang kamay at inilubog ito sa pulot, at inilagay ang kanyang kamay sa kanyang bibig, at ang kanyang mga mata ay nagliwanag. Nang magkagayo'y sinabi ng isa sa mga tauhan, “Ang iyong ama ay mahigpit na nagbilin na may sumpa sa taong-bayan, na sinasabi, ‘Sumpain ang taong kumain ng pagkain sa araw na ito.’” At ang taong-bayan ay patang-pata. Nang magkagayo'y sinabi ni Jonathan, “Ginugulo ng aking ama ang lupain. Tingnan ninyo, kung paanong ang aking mga mata ay nagliwanag nang ako'y tumikim ng kaunti sa pulot na ito. Gaano pa kaya kung ang taong-bayan ay malayang kumain ngayon mula sa sinamsam sa kanilang mga kaaway na kanilang natagpuan. Sa ngayon, ang pagpatay sa mga Filisteo ay hindi gaanong malaki.” Kanilang pinatay ang mga Filisteo nang araw na iyon mula sa Mikmas hanggang sa Aijalon; at ang taong-bayan ay talagang patang-pata. Kaya't ang taong-bayan ay dumaluhong sa samsam, at kumuha ng mga tupa, mga baka, mga guyang baka, at pinagpapatay ang mga iyon sa lupa. Kinain ng taong-bayan ang mga iyon, pati ang dugo. At kanilang sinabi kay Saul, “Tingnan mo, ang bayan ay nagkakasala laban sa PANGINOON dahil sa kanilang pagkain ng may dugo.” At kanyang sinabi, “Kayo'y gumawa ng kasamaan. Igulong ninyo rito ang isang malaking bato sa harapan ko.” At sinabi ni Saul, “Magsikalat kayo sa bayan at inyong sabihin sa kanila, ‘Dalhin sa akin dito ng bawat tao ang kanyang baka, at tupa, at patayin dito, at kainin at huwag nang magkasala laban sa PANGINOON sa pamamagitan ng pagkain ng dugo.’” Kaya't dinala ng bawat isa sa buong bayan ang kanyang baka nang gabing iyon at pinatay roon. At nagtayo si Saul ng isang dambana sa PANGINOON; iyon ang unang dambana na itinayo niya sa PANGINOON. Sinabi ni Saul, “Ating lusungin ang mga Filisteo sa gabi at atin silang samsaman hanggang sa pagliliwanag sa umaga, at huwag tayong magtira ng isang tao sa kanila.” At kanilang sinabi, “Gawin mo ang inaakala mong mabuti sa iyo.” Subalit sinabi ng pari, “Tayo'y lumapit dito sa Diyos.” At si Saul ay sumangguni sa Diyos, “Lulusungin ko ba ang mga Filisteo? Ibibigay mo ba sila sa kamay ng Israel?” Ngunit hindi siya sinagot nang araw na iyon. Sinabi ni Saul, “Lumapit kayo rito, kayong lahat na puno ng taong-bayan. Alamin natin kung paano bumangon ang kasalanang ito sa araw na ito. Sapagkat kung paanong buháy ang PANGINOON na nagliligtas sa Israel, kahit na ito ay si Jonathan na aking anak, siya ay tiyak na mamamatay.” Ngunit walang sinumang tao sa buong bayan na sumagot sa kanya. Nang magkagayo'y sinabi niya sa buong Israel, “Lumagay kayo sa isang dako, at ako at si Jonathan na aking anak ay lalagay sa kabilang dako.” At sinabi ng taong-bayan kay Saul, “Gawin mo ang inaakala mong mabuti para sa iyo.” Kaya sinabi ni Saul, “O PANGINOONG Diyos ng Israel, bakit hindi mo sinasagot ang iyong lingkod sa araw na ito? Kung ang pagkakasalang ito ay nasa akin o kay Jonathan na aking anak, O PANGINOON, Diyos ng Israel, ibigay mo ang Urim. Ngunit kung ang pagkakasala ay nasa iyong bayang Israel, ibigay mo ang Tumim.” At sina Jonathan at Saul ang napili, ngunit ang bayan ay nakaligtas. At sinabi ni Saul, “Magpalabunutan sa pagitan ko at ni Jonathan na aking anak.” At si Jonathan ang napili. Pagkatapos ay sinabi ni Saul kay Jonathan, “Sabihin mo sa akin kung ano ang iyong ginawa.” At sinabi ni Jonathan sa kanya, “Talagang ako'y tumikim ng kaunting pulot sa dulo ng tungkod na nasa aking kamay. Narito ako, ako'y nararapat mamatay.” Sinabi ni Saul, “Gayon ang gawin ng Diyos sa akin at higit pa, sapagkat ikaw ay tiyak na mamamatay, Jonathan!” At sinabi ng taong-bayan kay Saul, “Mamamatay ba si Jonathan, siya na gumawa nitong dakilang kaligtasan sa Israel? Huwag nawang mangyari! Habang buháy ang PANGINOON, hindi malalaglag kahit ang isang buhok ng kanyang ulo sa lupa, sapagkat siya'y gumawang kasama ng Diyos sa araw na ito.” Kaya't tinubos ng taong-bayan si Jonathan, at siya'y hindi namatay. Pagkatapos ay huminto na si Saul sa pagtugis sa mga Filisteo; at ang mga Filisteo ay umuwi sa kanilang sariling lugar.