Si Pedro, na apostol ni Jesu-Cristo,
Sa mga hinirang na nangingibang-bayan na nasa Pangangalat sa Ponto, Galacia, Capadocia, Asia at Bitinia,
pinili at itinalaga ng Diyos Ama, at ginawang banal ng Espiritu upang sumunod kay Jesu-Cristo at mawisikan ng kanyang dugo:
Biyaya at kapayapaan nawa ang sa inyo'y sumagana.
Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Sa pamamagitan ng kanyang malaking kahabagan ay muli tayong ipinanganak sa isang buháy na pag-asa sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo mula sa mga patay,
tungo sa isang manang hindi nasisira, walang dungis, at hindi kumukupas, na inilaan sa langit para sa inyo,
na sa kapangyarihan ng Diyos ay iniingatan sa pamamagitan ng pananampalataya para sa kaligtasan na nakahandang ipahayag sa huling panahon.
Sa ganito kayo'y nagagalak, bagama't ngayon sa sandaling panahon ay kailangan ninyong magdanas ng iba't ibang pagsubok,
upang ang kadalisayan ng inyong pananampalataya na mas mahalaga kaysa gintong nasisira, bagama't ito'y sinusubok sa pamamagitan ng apoy, ay mauwi sa kapurihan, kaluwalhatian at karangalan sa pagpapakita ni Jesu-Cristo.
Hindi ninyo siya nakita gayunma'y inyong iniibig; bagama't ngayon ay hindi ninyo siya nakikita, gayunma'y inyong sinasampalatayanan, at kayo'y nagagalak na may galak na hindi maipaliwanag at puspos ng kaluwalhatian,
na inyong tinatanggap ang bunga ng inyong pananampalataya, ang kaligtasan ng inyong mga kaluluwa.
Tungkol sa kaligtasang ito, nagsikap at nagsiyasat na mabuti ang mga propeta na nagpahayag tungkol sa biyayang darating sa inyo.
Kanilang siniyasat kung anong pagkatao o kapanahunan na tinutukoy ng Espiritu ni Cristo na sumasakanila, nang ipahayag ang mangyayaring pagdurusa ni Cristo, at ang kaluwalhatiang susunod sa mga ito.
Ipinahayag sa kanila na hindi sila naglilingkod sa kanilang sarili kundi sa inyo, sa mga bagay na ngayo'y ibinalita sa inyo sa pamamagitan ng mga nangaral sa inyo ng ebanghelyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo na sinugo mula sa langit; na ang mga bagay na ito'y pinananabikang makita ng mga anghel.
Kaya't ihanda ninyo sa gawain ang inyong mga pag-iisip; na supilin ninyo ang inyong sarili at ilagak ang inyong pag-asa sa biyayang darating sa inyo kapag inihayag na si Jesu-Cristo.
Tulad ng mga masunuring mga anak, huwag kayong gumaya sa masasamang pagnanasa ng inyong kamangmangan noong una.
Sa halip, yamang banal ang sa inyo'y tumawag, maging banal naman kayo sa lahat ng paraan ng pamumuhay;
sapagkat nasusulat, “Kayo'y maging banal, sapagkat ako'y banal.”
Kung inyong tinatawagan bilang Ama ang humahatol na walang pagtatangi ayon sa gawa ng bawat isa, mamuhay kayo na may takot sa panahon ng inyong pangingibang bayan.
Nalalaman ninyong kayo'y tinubos mula sa inyong walang kabuluhang paraan ng pamumuhay na minana ninyo sa inyong mga ninuno, hindi ng mga bagay na nasisira, tulad ng pilak o ginto,
kundi ng mahalagang dugo ni Cristo, gaya ng sa korderong walang kapintasan at walang dungis.
Siya ay itinalaga na nang una bago itinatag ang sanlibutan, ngunit inihayag sa mga huling panahon dahil sa inyo.
Sa pamamagitan niya ay nanampalataya kayo sa Diyos, na bumuhay sa kanya mula sa mga patay at sa kanya'y nagbigay ng kaluwalhatian, kaya't ang inyong pananampalataya at pag-asa ay nakatuon sa Diyos.
Ngayong nilinis na ninyo ang inyong mga kaluluwa sa pamamagitan ng inyong pagsunod sa katotohanan, kaya't kayo'y may tunay na pag-ibig sa isa't isa, mag-ibigan kayo sa isa't isa nang buong alab mula sa dalisay na puso.
Ipinanganak na kayong muli, hindi ng binhing nasisira, kundi ng walang kasiraan, sa pamamagitan ng buháy at nananatiling salita ng Diyos.
Sapagkat,
“Ang lahat ng laman ay gaya ng damo,
at ang lahat ng kaluwalhatian nito ay gaya ng bulaklak ng damo.
Ang damo'y natutuyo,
at ang bulaklak ay nalalanta,
subalit ang salita ng Panginoon ay nananatili magpakailanman.”
Ang salitang ito ay ang magandang balita na ipinangaral sa inyo.