Pagkatapos ay tumayo si Solomon sa harap ng dambana ng PANGINOON, sa harapan ng buong kapulungan ng Israel, at inilahad ang kanyang mga kamay paharap sa langit.
At kanyang sinabi, “O PANGINOON, Diyos ng Israel, walang Diyos na gaya mo sa langit sa itaas, o sa lupa sa ibaba na tumutupad ng tipan at nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa iyong mga lingkod na lumalakad sa harap mo ng buong puso nila,
na siyang tumupad para sa iyong lingkod na si David na aking ama ng iyong ipinangako sa kanya. Ikaw ay nagsalita sa pamamagitan ng iyong bibig, at tinupad mo ng iyong kamay sa araw na ito.
Ngayon, O PANGINOON, Diyos ng Israel, tuparin mo sa iyong lingkod na si David na aking ama ang ipinangako sa kanya, na sinasabi, ‘Hindi mawawalan sa iyo ng kapalit sa aking harapan na uupo sa trono ng Israel, kung ang iyong mga anak lamang ay mag-iingat sa kanilang landas, at lalakad sa harap ko gaya ng paglakad mo sa harap ko.’
Ngayon, O Diyos ng Israel, idinadalangin ko sa iyo na pagtibayin mo ang iyong salita na iyong sinabi sa iyong lingkod na si David na aking ama.
Ngunit totoo bang maninirahan ang Diyos sa lupa? Sa langit at sa pinakamataas na langit ay hindi ka magkakasiya; gaano pa sa bahay na ito na aking itinayo!
Gayunma'y iyong pahalagahan ang dalangin ng iyong lingkod at ang kanyang samo, O PANGINOON kong Diyos, na dinggin ang daing at dalangin na idinadalangin ng iyong lingkod sa harapan mo sa araw na ito;
na ang iyong mga mata ay maging bukas nawa sa lugar ng bahay na ito gabi at araw, sa lugar na iyong sinabi, ‘Ang aking pangalan ay doroon;’ upang iyong dinggin ang panalangin na idadalangin ng iyong lingkod sa lugar na ito.
Pakinggan mo ang pakiusap ng iyong lingkod, at ng iyong bayang Israel, kapag sila'y nananalanging paharap sa lugar na ito. Oo, dinggin mo sa langit na iyong tahanan; dinggin mo at patawarin.
“Kung ang isang tao ay magkasala laban sa kanyang kapwa, at pinasumpa siya ng isang panata, at siya'y pumarito at manumpa sa harap ng iyong dambana sa bahay na ito,
pakinggan mo sa langit, at kumilos ka at hatulan mo ang iyong mga lingkod. Iyong parusahan ang nagkasala sa pamamagitan ng pagpapataw ng kanyang ginawa sa kanyang sariling ulo, at ariing-ganap ang matuwid upang bigyan siya ng ayon sa kanyang pagiging matuwid.
“Kapag ang iyong bayang Israel na nagkasala laban sa iyo ay nagapi sa harap ng kaaway ngunit muling nanumbalik sa iyo, at kinilala ang iyong pangalan, nanalangin at nagsumamo sa iyo sa bahay na ito,
ay pakinggan mo mula sa langit, at patawarin mo ang kasalanan ng iyong bayang Israel, at dalhin mo sila uli sa lupain na iyong ibinigay sa kanilang mga ninuno.
“Kapag ang langit ay nasarhan at walang ulan sapagkat sila'y nagkasala laban sa iyo, at pagkatapos sila'y dumalangin paharap sa dakong ito, at kinilala ang iyong pangalan, at tinalikuran ang kanilang kasalanan, sapagkat iyong pinarusahan sila,
pakinggan mo sa langit at patawarin mo ang pagkakasala ng iyong mga lingkod, at ng iyong bayang Israel, at sila'y iyong turuan ng mabuting daan na kanilang dapat lakaran; at bigyan mo ng ulan ang iyong lupain na iyong ibinigay sa iyong bayan bilang pamana.
“Kung magkaroon ng taggutom sa lupain, kung magkaroon ng salot, kung magkaroon ng tagtuyot o amag, balang o higad, kung kubkubin sila ng kanilang kaaway sa lupain ng kanilang mga lunsod; anumang salot, anumang sakit na naroon,
anumang dalangin at pakiusap na gawin ng sinumang tao, o ng iyong buong bayang Israel, na nalalaman ng bawat tao ang salot sa kanyang sariling puso, at iuunat ang kanyang mga kamay paharap sa bahay na ito,
pakinggan mo sa langit na iyong tahanan, magpatawad, kumilos, at gantihan mo ang bawat tao na ang puso ay iyong nalalaman ayon sa lahat niyang mga lakad, sapagkat ikaw, ikaw lamang ang nakakaalam ng mga puso ng lahat ng mga anak ng mga tao—
upang sila'y matakot sa iyo sa lahat ng araw ng kanilang buhay sa lupain na iyong ibinigay sa aming mga ninuno.
“Gayundin ang dayuhan na hindi kabilang sa iyong bayang Israel, kapag siya'y magmumula sa isang malayong lupain dahil sa iyong pangalan,
sapagkat kanilang mababalitaan ang iyong dakilang pangalan, at ang iyong makapangyarihang kamay, at ang iyong nakaunat na bisig, kapag siya'y paparito at dadalangin paharap sa bahay na ito;
pakinggan mo sa langit na iyong tahanan, at gawin mo ang ayon sa lahat na ipapanawagan sa iyo ng dayuhan, upang makilala ng lahat ng mga bayan sa lupa ang iyong pangalan, upang matakot sa iyo, gaya ng iyong bayang Israel, at upang kanilang makilala na ang bahay na ito na aking itinayo ay tinatawag sa pamamagitan ng iyong pangalan.
“Kung ang iyong bayan ay lumabas upang makidigma sa kanyang mga kaaway, saanmang daan mo sila suguin, at sila'y manalangin sa PANGINOON paharap sa lunsod na iyong pinili, at sa bahay na aking itinayo para sa iyong pangalan;
dinggin mo sa langit ang kanilang dalangin at ang kanilang kahilingan at panatilihin mo ang kanilang ipinaglalaban.
“Kung sila'y nagkasala laban sa iyo, (sapagkat walang taong hindi nagkakasala,) at ikaw ay nagalit sa kanila, at ibigay mo sila sa kaaway, anupa't sila'y dalhing bihag sa lupain ng kaaway sa malayo man o malapit;
gayunma'y kung kanilang isapuso ito sa lupain na pinagdalhang-bihag sa kanila, at sila'y magsisi, at magsumamo sa iyo sa lupain ng nagdalang-bihag sa kanila na nagsasabi, ‘Kami ay nagkasala, at kami ay gumawa ng kalikuan, at kami ay gumagawa ng kasamaan’;
kung sila'y magsisi ng buong puso nila at ng buong kaluluwa nila sa lupain ng kanilang mga kaaway, na nagdalang-bihag sa kanila at manalangin sa iyo paharap sa kanilang lupain na iyong ibinigay sa kanilang mga ninuno sa lunsod na pinili mo, at sa bahay na aking itinayo na ukol sa iyong pangalan,
pakinggan mo ang kanilang dalangin at ang kanilang samo sa langit na iyong tahanan, at panatilihin mo ang kanilang ipinaglalaban.
Patawarin mo ang iyong bayan na nagkasala laban sa iyo, at ang lahat nilang pagsuway na kanilang ginawa laban sa iyo. Mahabag ka sa kanila sa harap ng mga nagdalang-bihag sa kanila, upang sila'y mahabag sa kanila
(sapagkat sila'y iyong bayan at iyong mana, na iyong inilabas sa Ehipto mula sa gitna ng hurnong bakal).
Mabuksan nawa ang iyong mga mata sa dalangin ng iyong lingkod at sa dalangin ng iyong bayang Israel, na iyong dinggin sila kapag sila'y tumatawag sa iyo.
Sapagkat iyong ibinukod sila mula sa lahat ng mga bayan sa lupa, upang maging iyong mana, gaya ng iyong ipinahayag sa pamamagitan ni Moises na iyong lingkod, nang iyong ilabas ang aming mga ninuno sa Ehipto, O Panginoong DIYOS.”
Pagkatapos na ialay ni Solomon ang lahat ng dalangin at samong ito sa PANGINOON, siya'y tumindig mula sa harap ng dambana ng PANGINOON at doon ay lumuhod na ang kanyang mga kamay ay nakalahad paharap sa langit.
Siya'y tumayo, at binasbasan ang buong kapulungan ng Israel ng may malakas na tinig, na sinasabi,
“Purihin ang PANGINOON na nagbigay ng kapahingahan sa kanyang bayang Israel, ayon sa lahat ng kanyang ipinangako. Walang nagkulang ni isang salita sa lahat niyang mabuting pangako na kanyang ipinangako sa pamamagitan ni Moises na kanyang lingkod.
Sumaatin nawa ang PANGINOON nating Diyos, kung paanong siya'y sumaating mga magulang, huwag nawa niya tayong iwan o pabayaan man;
upang kanyang ibaling ang ating mga puso sa kanya, upang lumakad sa lahat ng kanyang mga daan, at sundin ang kanyang mga utos, at ang kanyang mga tuntunin, at ang kanyang mga kahatulan na kanyang iniutos sa ating mga ninuno.
At ang mga salitang ito na aking idinalangin sa harap ng PANGINOON ay malapit nawa sa PANGINOON nating Diyos sa araw at gabi, at panatilihin nawa niya ang ipinaglalaban ng kanyang lingkod, at ang ipinaglalaban ng kanyang bayang Israel, ayon sa kailangan sa bawat araw;
upang malaman ng lahat ng tao sa lupa, na ang PANGINOON ay Diyos; wala ng iba.
Kaya't maging tapat nawa ang inyong puso sa PANGINOON nating Diyos, na lumakad sa kanyang mga tuntunin, at sundin ang kanyang mga utos, gaya sa araw na ito.”