Pagkatapos ay pumasok si Haring David at naupo sa harap ng PANGINOON, at kanyang sinabi, “Sino ako, O PANGINOONG Diyos, at ano ang aking sambahayan at dinala mo ako sa ganitong kalagayan?
At ito'y munting bagay sa iyong paningin, O Diyos; sinabi mo rin ang tungkol sa sambahayan ng iyong lingkod hanggang sa mga panahong darating, at ipinakita mo sa akin ang darating na mga salinlahi, O Diyos!
Ano pa ang masasabi ni David sa iyo sa pagpaparangal mo sa iyong lingkod? Sapagkat kilala mo ang iyong lingkod.
O PANGINOON, alang-alang sa iyong lingkod, at ayon sa iyong sariling puso, ay iyong ginawa ang lahat ng kadakilaang ito, upang ipaalam ang lahat ng dakilang bagay na ito.
O PANGINOON, walang gaya mo, at walang Diyos liban sa iyo, ayon sa lahat ng narinig ng aming mga tainga.
Anong bansa sa lupa ang gaya ng iyong bayang Israel, isang bansa sa lupa na tinubos ng Diyos upang maging kanyang sariling bayan na gumawa ng pangalan para sa iyong sarili sa pamamagitan ng dakila at kakilakilabot na mga bagay, sa pagpapalayas ng mga bansa sa harap ng iyong bayan na iyong tinubos mula sa Ehipto?
At ang iyong bayang Israel ay ginawa mong iyong sariling bayan magpakailanman; at ikaw, PANGINOON, ay naging kanilang Diyos.
Ngayon, O PANGINOON, maitatag nawa ang salita na iyong ipinahayag tungkol sa iyong lingkod, at tungkol sa kanyang sambahayan magpakailanman, at gawin mo nawa na gaya ng iyong sinalita,
at ang iyong pangalan ay maitatag at maging dakila magpakailanman, na sinasabi, ‘Ang PANGINOON ng mga hukbo ay Diyos ng Israel,’ samakatuwid ay ang Diyos ng Israel, at ang sambahayan ni David na iyong lingkod ay matatatag sa harapan mo.