Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Marcos 7:17-37

Marcos 7:17-37 TLAB

At nang pumasok siya sa bahay na mula sa karamihan, ay itinanong sa kaniya ng kaniyang mga alagad ang talinghaga. At sinabi niya sa kanila, Kayo baga naman ay wala ring pagiisip? Hindi pa baga ninyo nalalaman, na anomang nasa labas na pumapasok sa tao, ay hindi nakakahawa sa kaniya; Sapagka't hindi pumapasok sa kaniyang puso, kundi sa kaniyang tiyan, at lumalabas sa dakong daanan ng dumi? Sa salitang ito'y nililinis niya ang lahat ng pagkain. At sinabi niya, Ang lumalabas sa tao, yaon ang nakakahawa sa tao. Sapagka't mula sa loob, mula sa puso ng mga tao, lumalabas ang masasamang pagiisip, ang mga pakikiapid, ang mga pagnanakaw, ang mga pagpatay sa kapuwa-tao, ang mga pangangalunya, Ang mga kasakiman, ang mga kasamaan, ang pagdaraya, ang kalibugan, ang matang masama, ang kapusungan, ang kapalaluan, ang kamangmangan: Ang lahat ng masasamang bagay na ito ay sa loob nagsisipanggaling, at nangakakahawa sa tao. At nagtindig siya doon, at napasa mga hangganan ng Tiro at ng Sidon. At pumasok siya sa isang bahay, at ibig niya na sinomang tao'y huwag sanang makaalam; at hindi siya nakapagtago. Nguni't ang isang babae na ang kaniyang munting anak na babae ay may isang karumaldumal na espiritu, pagdaka'y nang mabalitaan siya, ay lumapit at nagpatirapa sa kaniyang paanan. Ang babae nga ay isang Griega, isang Sirofenisa, ayon sa lahi. At ipinamamanhik niya sa kaniya na palabasin sa kaniyang anak ang demonio. At sinabi niya sa kaniya, Pabayaan mo munang mangabusog ang mga anak: sapagka't hindi marapat na kunin ang tinapay ng mga anak at itapon sa mga aso. Datapuwa't siya'y sumagot at sinabi sa kaniya, Oo, Panginoon; kahit ang mga aso sa ilalim ng dulang ay nagsisikain ng mga mumo ng mga anak. At sinabi niya sa kaniya, Dahil sa sabing ito humayo ka; nakaalis na ang demonio sa iyong anak. At umuwi siya sa kaniyang bahay, at naratnan ang anak na nakahiga sa higaan, at nakaalis na ang demonio. At siya'y muling umalis sa mga hangganan ng Tiro, at napasa Sidon hanggang sa dagat ng Galilea, na kaniyang tinahak ang mga hangganan ng Decapolis. At dinala nila sa kaniya ang isang bingi at utal; at ipinamanhik nila sa kaniya na kaniyang ipatong ang kaniyang kamay sa kaniya. At siya'y inihiwalay niya ng bukod sa karamihan, at isinuot ang kaniyang mga daliri sa mga tainga niya, at siya'y lumura, at hinipo ang kaniyang dila; At pagkatingala sa langit, ay siya'y nagbuntong-hininga, at sinabi sa kaniya, Ephatha, sa makatuwid baga'y, Mabuksan. At nangabuksan ang kaniyang mga pakinig, at nakalag ang tali ng kaniyang dila, at siya'y nakapagsalitang malinaw. At ipinagbilin niya sa kanila na kanino mang tao ay huwag nilang sabihin: nguni't kung kailan lalong ipinagbabawal niya sa kanila, ay lalo namang kanilang ibinabantog. At sila'y nangagtataka ng di kawasa, na nangagsasabi, Mabuti ang pagkagawa niya sa lahat ng mga bagay; kaniyang binibigyang pakinig pati ng mga bingi, at pinapagsasalita ang mga pipi.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Marcos 7:17-37