At nang malapit na sila sa Jerusalem, at magsidating sa Betfage, sa bundok ng mga Olivo, ay nagsugo nga si Jesus ng dalawang alagad, Na sinasabi sa kanila, Magsiparoon kayo sa nayong nasa tapat ninyo, at pagdaka'y masusumpungan ninyo ang isang nakatali na babaing asno, na may kasamang isang batang asno: kalagin ninyo, at dalhin ninyo sa akin. At kung ang sinoman ay magsabi ng anoman sa inyo, ay sasabihin ninyo, Kinakailangan sila ng Panginoon; at pagdaka'y kaniyang ipadadala sila. Nangyari nga ito, upang matupad ang sinalita sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi, Sabihin ninyo sa anak na babae ng Sion: Narito, ang Hari mo'y pumaparito sa iyo, Na maamo, at nakasakay sa isang asno, At sa isang batang asno na anak ng babaing asno. At nagsiparoon ang mga alagad, at ginawa ang ayon sa ipinagutos ni Jesus sa kanila, At kanilang dinala ang babaing asno, at ang batang asno, at inilagay nila sa ibabaw ng mga ito ang kanilang mga damit; at dito siya'y sumakay. At inilalatag sa daan ng kalakhang bahagi ng karamihan ang kanilang mga damit; at ang mga iba'y nagsiputol ng mga sanga ng mga punong kahoy, at inilalatag sa daan. At ang mga karamihang nangasa unahan niya, at ang nagsisunod, ay nagsisigawan, na nagsisipagsabi, Hosana sa Anak ni David: Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon: Hosana sa kataastaasan. At nang pumasok si Jesus sa Jerusalem, ay nagkagulo ang buong bayan, na nagsasabi, Sino kaya ito? At sinabi ng mga karamihan, Ito'y ang propeta, Jesus, na taga Nazaret ng Galilea. At pumasok si Jesus sa templo ng Dios, at itinaboy niya ang lahat na nangagbibili at nangamimili sa templo, at ginulo niya ang mga dulang ng mga mamamalit ng salapi, at ang mga upuan ng mga nagbibili ng mga kalapati; At sinabi niya sa kanila, Nasusulat, Ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan, datapuwa't ginagawa ninyong yungib ng mga tulisan. At nagsilapit sa kaniya sa templo ang mga bulag at mga pilay, at sila'y kaniyang pinagaling. Datapuwa't nang makita ng mga pangulong saserdote at ng mga eskriba ang mga katakatakang bagay na kaniyang ginawa, at ang mga batang nagsisigawan sa templo at nangagsasabi, Hosana sa Anak ni David; ay nangagalit sila, At sinabi nila sa kaniya, Naririnig mo baga ang sinasabi ng mga ito? At sinabi sa kanila ni Jesus, Oo: kailan man baga'y hindi ninyo nabasa, Mula sa bibig ng mga sanggol at ng mga sumususo ay iyong nilubos ang pagpupuri? At sila'y kaniyang iniwan, at pumaroon sa labas ng bayan sa Betania, at nakipanuluyan doon. Pagka umaga nga nang siya'y bumabalik sa bayan, nagutom siya. At pagkakita sa isang puno ng igos sa tabi ng daan, ay kaniyang nilapitan, at walang nasumpungang anoman doon, kundi mga dahon lamang; at sinabi niya rito, Mula ngayo'y huwag kang magbunga kailan man. At pagdaka'y natuyo ang puno ng igos. At nang makita ito ng mga alagad, ay nangagtaka sila, na nangagsasabi, Ano't pagdaka'y natuyo ang puno ng igos? At sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung kayo'y may pananampalataya, at di mangagaalinlangan, hindi lamang mangagagawa ninyo ang nangyari sa puno ng igos, kundi maging sabihin ninyo sa bundok na ito, mapataas ka, at mapasugba ka sa dagat, ay mangyayari. At lahat ng mga bagay na inyong hihingin sa panalangin, na may pananampalataya, ay inyong tatanggapin.