At nangyari, nang siya'y nananalangin ng bukod, na ang mga alagad ay kasama niya: at tinanong niya sila, na sinasabi, Ano ang sinasabi ng karamihan kung sino ako? At pagsagot nila'y nangagsabi, Si Juan Bautista; datapuwa't sinasabi ng mga iba, Si Elias; at sinasabi ng mga iba na isa sa mga datihang propeta ay muling nagbangon. At sinabi niya sa kanila, Datapuwa't, ano ang sabi ninyo kung sino ako? At pagsagot ni Pedro, ay nagsabi, Ang Cristo ng Dios. Datapuwa't ipinagbilin niya, at ipinagutos sa kanila na huwag sabihin ito sa kanino mang tao; Na sinasabi, Kinakailangang magbata ng maraming mga bagay ang Anak ng tao, at itakuwil ng matatanda at ng mga pangulong saserdote at ng mga eskriba, at patayin, at muling ibangon sa ikatlong araw. At sinabi niya sa lahat, Kung ang sinomang tao ay ibig sumunod sa akin, ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin sa arawaraw ang kaniyang krus, at sumunod sa akin. Sapagka't ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay, ay mawawalan nito; datapuwa't sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin, ay maililigtas nito yaon. Sapagka't ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya ang buong sanglibutan, at mawawala o mapapahamak ang kaniyang sarili? Sapagka't ang sinomang magmakahiya sa akin at sa aking mga salita, ay ikahihiya siya ng Anak ng tao, pagparito niyang nasa kaniyang sariling kaluwalhatian, at sa kaluwalhatian ng Ama, at ng mga banal na anghel. Datapuwa't katotohanang sinasabi ko sa inyo, May ilan sa nangakatayo rito, na hindi matitikman sa anomang paraan ang kamatayan, hanggang sa mangakita nila ang kaharian ng Dios. At nangyari, nang makaraan ang may mga walong araw pagkatapos ng mga pananalitang ito, na isinama niya si Pedro at si Juan at si Santiago, at umahon sa bundok upang manalangin. At samantalang siya'y nananalangin, ay nagbago ang anyo ng kaniyang mukha, at ang kaniyang damit ay pumuti, at nakasisilaw. At narito, dalawang lalake ay nakikipagusap sa kaniya, na ang mga ito'y si Moises at si Elias; Na napakitang may kaluwalhatian, at nangaguusapan ng tungkol sa kaniyang pagkamatay na malapit niyang ganapin sa Jerusalem. Si Pedro nga at ang kaniyang mga kasamahan ay nangagaantok: datapuwa't nang sila'y mangagising na totoo ay nakita nila ang kaniyang kaluwalhatian, at ang dalawang lalaking nangakatayong kasama niya. At nangyari, samantalang sila'y nagsisihiwalay sa kaniya, ay sinabi ni Pedro kay Jesus, Guro, mabuti sa atin ang tayo'y dumito: at magsigawa tayo ng tatlong dampa; isa ang sa iyo, at isa ang kay Moises, at isa ang kay Elias: na hindi nalalaman ang kaniyang sinasabi. At samantalang sinasabi niya ang mga bagay na ito, ay dumating ang isang alapaap, at sila'y naliliman: at sila'y nangatakot nang sila'y mangapasok sa alapaap. At may tinig na nanggaling sa alapaap, na nagsasabi, Ito ang aking Anak, ang aking hirang: siya ang inyong pakinggan. At nang dumating ang tinig, si Jesus ay nasumpungang nagiisa. At sila'y di nagsisiimik, at nang mga araw na yao'y hindi nila sinabi kanino mang tao ang alin man sa mga bagay na kanilang nakita.