At nang siya'y kanilang dalhin ay kanilang pinigil ang isang Simong taga Cirene, na nanggaling sa bukid, at ipinasan sa kaniya ang krus, upang dalhin sa likuran ni Jesus. At siya'y sinusundan ng isang makapal na karamihan sa bayan, at ng mga babaing nagiiyakan at nananambitan dahil sa kaniya. Datapuwa't paglingon sa kanila ni Jesus ay sinabi, Mga anak na babae ng Jerusalem, huwag ninyo akong tangisan, kundi tangisan ninyo ang inyong sarili, at ang inyong mga anak. Sapagka't narito, darating ang mga araw, na kanilang sasabihin, Mapapalad ang mga baog, at ang mga tiyang kailan ma'y hindi nangagdalang-tao, at ang mga dibdib na kailan man ay hindi nangagpapasuso. Kung magkagayon ay magpapasimulang sabihin nila sa mga bundok, mangahulog kayo sa ibabaw namin; at sa mga burol, Takpan ninyo kami. Sapagka't kung ginagawa ang mga bagay na ito sa punong kahoy na sariwa, ano kaya ang gagawin sa tuyo? At dinala rin naman na kasama niya, ang dalawang tampalasan, upang patayin. At nang dumating sa dakong tinatawag na Bungo, ay kanilang ipinako roon siya sa krus, at ang mga tampalasan, isa sa kanan at isa sa kaliwa. At sinabi ni Jesus, Ama, patawarin mo sila; sapagka't hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa. At sa pagbabahabahagi nila ng kaniyang mga suot ay kanilang pinagsapalaranan. At nakatayong nanonood ang bayan. At tinutuya naman siya ng mga pinuno, na sinasabi, Nagligtas siya sa mga iba; iligtas niya ang kaniyang sarili, kung ito ang Cristo ng Dios, ang hinirang niya. At nililibak rin naman siya ng mga kawal, na nagsisilapit sa kaniya, na dinudulutan siya ng suka, At sinabi, Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili. At mayroon naman sa itaas niya na isang pamagat, ITO'Y ANG HARI NG MGA JUDIO. At siya'y inalipusta ng isa sa mga tampalasang nabibitin, na sinasabi, Hindi baga ikaw ang Cristo? iligtas mo ang iyong sarili at kami. Datapuwa't sumagot ang isa, at pagsaway sa kaniya'y sinabi, Hindi ka pa baga natatakot sa Dios, yamang ikaw ay nasa gayon ding kaparusahan? At tayo sa katotohanan ay ayon sa katuwiran; sapagka't tinanggap natin ang nararapat na kabayaran sa ating mga gawa; datapuwa't ang taong ito'y hindi gumagawa ng anomang masama. At sinabi niya, Jesus, alalahanin mo ako, pagdating mo sa iyong kaharian. At sinabi niya sa kaniya, Katotohanang sinasabi ko sa iyo, Ngayon ay kakasamahin kita sa Paraiso. At nang may oras na ikaanim na, ay nagdilim sa ibabaw ng buong lupa, hanggang sa oras na ikasiyam, At nagdilim ang araw: at nahapak sa gitna ang tabing ng templo. At si Jesus, na sumigaw ng malakas na tinig, ay nagsabi, Ama, sa mga kamay mo ay ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu: at pagkasabi nito, ay nalagot ang hininga. At nang makita ng senturion ang nangyari, ay niluwalhati niya ang Dios na nagsasabi, Tunay na ito'y isang taong matuwid. At ang lahat ng mga karamihang nangagkatipon sa panonood nito, pagkakita nila sa mga bagay na nangyari ay nangagsiuwing dinadagukan ang kanilang mga dibdib. At ang lahat ng mga kakilala niya at ang mga babaing sa kaniya'y nagsisunod buhat sa Galilea, at nangasa malayo na pinagmamasdan ang mga bagay na ito.