At dumating ang araw ng mga tinapay na walang lebadura, na noon ay kinakailangang ihain ang paskua. At sinugo niya si Pedro at si Juan, na sinasabi, Magsihayo kayo at magsipaghanda kayo ng kordero ng paskua para sa atin, upang tayo'y magsikain. At kanilang sinabi sa kaniya, Saan mo ibig na aming ihanda? At kaniyang sinabi sa kanila, Narito, pagpasok ninyo sa bayan, ay masasalubong ninyo ang isang lalake na may dalang isang bangang tubig; sundan ninyo siya hanggang sa bahay na kaniyang papasukan. At sasabihin ninyo sa puno ng sangbahayan, Sinasabi ng Guro sa iyo, Saan naroon ang tuluyang aking makakanan ng kordero ng paskua na kasalo ng aking mga alagad? At ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na nagagayakan: doon ninyo ihanda. At nagsiparoon sila, at nasumpungan ayon sa sinabi niya sa kanila: at inihanda nila ang kordero ng paskua. At nang dumating ang oras, ay naupo siya, at ang mga apostol ay kasalo niya. At sinabi niya sa kanila, Pinakahahangad kong kanin na kasalo ninyo ang kordero ng paskuang ito bago ako maghirap: Sapagka't sinasabi ko sa inyo, Ito'y hindi ko kakanin, hanggang sa ito'y maganap sa kaharian ng Dios. At siya'y tumanggap ng isang saro, at nang siya'y makapagpasalamat, ay sinabi niya, Kunin ninyo ito, at inyong pagbahabahaginin: Sapagka't sinasabi ko sa inyo, na hindi na ako iinom mula ngayon ng bunga ng ubas, hanggang sa dumating ang kaharian ng Dios. At siya'y dumampot ng tinapay, at nang siya'y makapagpasalamat, ay kaniyang pinagputolputol, at ibinigay sa kanila, na sinasabi, Ito'y aking katawan, na ibinibigay dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin.