Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Lucas 2:1-14

Lucas 2:1-14 TLAB

Nangyari nga nang mga araw na yaon na lumabas ang isang utos mula kay Augusto Cesar, na magpatala ang buong sanglibutan. Ito ang unang talaang-mamamayan na ginawa nang si Quirinio ay gobernador sa Siria. At nagsisiparoon ang lahat upang sila'y mangatala, bawa't isa sa kaniyang sariling bayan. At si Jose naman ay umahon mula sa Galilea, mula sa bayan ng Nazaret, hanggang sa Judea, sa bayan ni David, na kung tawagi'y Bet-lehem, sapagka't siya'y sa angkan at sa lahi ni David; Upang patala siya pati ni Maria, na magaasawa sa kaniya, na kasalukuyang kagampan. At nangyari, samantalang sila'y nangaroroon, at naganap ang mga kaarawang dapat siyang manganak. At kaniyang ipinanganak ang panganay niyang anak na lalake; at ito'y binalot niya ng mga lampin, at inihiga sa isang pasabsaban, sapagka't wala nang lugar para sa kanila sa tuluyan. At may mga pastor ng tupa sa lupain ding yaon na nangasa parang, na pinagpupuyatan sa gabi ang kanilang kawan. At tumayo sa tabi nila ang isang anghel ng Panginoon, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa palibot nila: at sila'y totoong nangatakot. At sinabi sa kanila ng anghel, Huwag kayong mangatakot; sapagka't narito, dinadalhan ko kayo ng mabubuting balita ng malaking kagalakan, na siyang sasa buong bayan: Sapagka't ipinanganak sa inyo ngayon sa bayan ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo ang Panginoon. At ito ang sa inyo'y magiging pinakatanda: Masusumpungan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin, at nakahiga sa isang pasabsaban. At biglang nakisama sa anghel ang isang karamihang hukbo ng langit, na nangagpupuri sa Dios, at nangagsasabi: Luwalhati sa Dios sa kataastaasan, At sa lupa'y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya.