Mayroon ngang isang taong mayaman, at siya'y nagdaramit ng kulay ube at maselang lino, at sa araw-araw ay kumakain ng sagana: At isang pulubi na ang pangala'y Lazaro, lipos ng mga sugat, ay inilalagay sa kaniyang pintuan, At naghahangad na mapakain ng mga mumo na nangahuhulog mula sa dulang ng mayaman; oo, at lumapit pati ang mga aso at hinihimuran ang kaniyang mga sugat. At nangyari, na namatay ang pulubi at siya'y dinala ng mga anghel sa sinapupunan ni Abraham: at namatay naman ang mayaman, at inilibing. At sa Hades na nasa mga pagdurusa ay itiningin niya ang kaniyang mga mata, at natanaw sa malayo si Abraham, at si Lazaro ay nasa kaniyang sinapupunan. At siya'y sumigaw at sinabi, Amang Abraham, maawa ka sa akin, at suguin mo si Lazaro, upang itubog niya sa tubig ang dulo ng kaniyang daliri, at palamigin ang aking dila; sapagka't naghihirap ako sa alab na ito. Datapuwa't sinabi ni Abraham, Anak, alalahanin mo na ikaw ay tumanggap ng iyong mabubuting bagay sa iyong pamumuhay, at si Lazaro sa gayon ding paraan ay masasamang bagay: datapuwa't ngayon, ay inaaliw siya rini, at ikaw ay nasa kahirapan. At bukod sa lahat ng ito, ay may isang malaking banging nakalagay sa pagitan namin at ninyo, upang ang mga magibig tumawid buhat dini hanggang sa inyo ay hindi maari, at gayon din walang makatawid mula diyan hanggang sa amin. At sinabi niya, Ipinamamanhik ko nga sa iyo, ama, na suguin mo siya sa bahay ng aking ama; Sapagka't ako'y may limang kapatid na lalake; upang sa kanila'y patotohanan niya, baka pati sila'y mangaparito sa dakong ito ng pagdurusa. Datapuwa't sinabi ni Abraham, Nasa kanila si Moises at ang mga propeta; bayaang sila'y pakinggan nila. At sinabi niya, Hindi amang Abraham: datapuwa't kung ang isang mula sa mga patay ay makaparoon sa kanila, sila'y mangagsisisi. At sinabi niya sa kaniya, Kung di nila pinakikinggan si Moises at ang mga propeta, ay di rin mangahihikayat sila, kahit ang isa'y magbangon sa mga patay.