At nagsalita siya ng isang talinghaga sa mga inanyayahan, nang mamasdan niya na kanilang pinipili ang mga pangulong luklukan; na nagsasabi sa kanila, Pagka inaanyayahan ka ninomang tao sa kasalan, huwag kang uupo sa pangulong luklukan; baka mayroon siyang anyayahang lalong marangal na tao kay sa iyo, At lumapit yaong naganyaya sa iyo at sa kaniya, at sabihin sa iyo, Bigyan mong puwang ang taong ito; at kung magkagayo'y magpapasimula kang mapahiya na mapalagay ka sa dakong kababababaan. Kundi pagka inaanyayahan ka, ay pumaroon ka at umupo ka sa dakong kababababaan; upang kung dumating ang naganyaya sa iyo, ay sa iyo'y sabihin niya, Kaibigan pumaroon ka pa sa lalong mataas: kung magkagayo'y magkakaroon ka ng kaluwalhatian sa harap ng lahat na mga kasalo mong nangakaupo sa dulang. Sapagka't ang bawa't nagmamataas ay mabababa; at ang nagpapakababa ay matataas. At sinabi rin naman niya sa naganyaya sa kaniya, Pagka naghahanda ka ng isang tanghalian o ng isang hapunan, ay huwag mong tawagin ang iyong mga kaibigan, ni ang iyong mga kapatid, ni ang iyong mga kamaganak, ni ang mayayamang kapitbahay; baka ikaw naman ang kanilang muling anyayahan, at gantihan ka. Datapuwa't kung maghahanda ka, ay anyayahan mo ang mga dukha, ang mga pingkaw, ang mga pilay, ang mga bulag, At magiging mapalad ka; sapagka't wala silang sukat ikaganti sa iyo: sapagka't gagantihin sa iyo sa pagkabuhay na maguli ng mga ganap. At nang marinig ito ng isa sa nangakaupong kasalo niya sa dulang, ay sinabi sa kaniya, Mapalad ang kakain ng tinapay sa kaharian ng Dios. Datapuwa't sinabi niya sa kaniya, May isang naghanda ng isang malaking hapunan; at marami siyang inanyayahan: At sa panahon ng paghapon ay sinugo niya ang kaniyang alipin, upang sabihin sa mga inanyayahan, Magsiparito kayo; sapagka't ang lahat ng mga bagay ay nahahanda na. At silang lahat na parang iisa ay nangagpasimulang nangagdahilan. Sa kaniya'y sinabi ng una, Bumili ako ng isang bukid, at kailangan akong umalis at tingnan; ipinamamanhik ko sa iyo na pagpaumanhinan mo ako. At sinabi ng iba, Bumili ako ng limang magkatuwang na bakang lalake, at paroroon ako upang sila'y subukin; ipinamamanhik ko sa iyo na pagpaumanhinan mo ako. At sinabi ng iba, Bago akong kasal, at kaya nga hindi ako makaparoroon. At dumating ang alipin, at isinaysay ang mga bagay na ito sa kaniyang panginoon. Nang magkagayon, sa galit ng puno ng sangbahayan ay sinabi sa kaniyang alipin, Pumaroon kang madali sa mga lansangan at sa mga daang makikipot ng bayan, at dalhin mo rito ang mga dukha, at ang mga pingkaw, at ang mga bulag, at ang mga pilay. At sinabi ng alipin, panginoon, nagawa na ang ipinagutos mo, at gayon ma'y maluwag pa. At sinabi ng panginoon sa alipin, Pumaroon ka sa mga daan at sa mga bakuran, at pilitin mo silang magsipasok, upang mapuno ang aking bahay. Sapagka't sinasabi ko sa inyo na alin man sa mga taong inanyayahan ay hindi makatitikim ng aking hapunan. Nagsisama nga sa kaniya ang lubhang maraming tao; at siya'y lumingon at sa kanila'y sinabi, Kung ang sinomang tao'y pumaparito sa akin, at hindi napopoot sa kaniyang sariling ama, at ina, at asawang babae, at mga anak, at mga kapatid na lalake, at mga kapatid na babae, oo, at pati sa kaniyang sariling buhay man, ay hindi siya maaaring maging alagad ko. Sinomang hindi nagdadala ng kaniyang sariling krus, at sumusunod sa akin, ay hindi maaaring maging alagad ko. Sapagka't alin sa inyo, ang kung ibig magtayo ng isang moog, ay hindi muna uupo at tatayahin ang halagang magugugol kung mayroong maipagtatapos? Baka kung mailagay na niya ang patibayan, at hindi matapos, ang lahat ng mga makakita ay mangagpasimulang siya'y libakin, Na sabihin, Nagpasimula ang taong ito na magtayo, at hindi nakayang tapusin. O aling hari, na kung sasalubong sa pakikidigma sa ibang hari, ay hindi muna uupo at sasangguni kung makahaharap siya na may sangpung libo sa dumarating na laban sa kaniya na may dalawangpung libo? O kung hindi, samantalang malayo pa ang isa, ay magsusugo siya ng isang sugo, at hihilingin ang mga kailangan sa pagkakasundo. Kaya nga sinoman sa inyo na hindi tumanggi sa lahat niyang tinatangkilik, ay di maaaring maging alagad ko. Mabuti nga ang asin: datapuwa't kung ang asin ay tumabang, ay ano ang ipagpapaalat? Walang kabuluhang maging sa lupa kahit sa tapunan man ng dumi: itinatapon sa labas. Ang may mga pakinig upang ipakinig, ay makinig.