Nang kinabukasan ay pinasiyahan niyang pumaroon sa Galilea, at kaniyang nasumpungan si Felipe: at sa kaniya'y sinabi ni Jesus, Sumunod ka sa akin. Si Felipe nga ay taga Betsaida, sa bayan ni Andres at ni Pedro. Nasumpungan ni Felipe si Natanael, at sinabi sa kaniya, Nasumpungan namin yaong isinulat ni Moises sa kautusan, at gayon din ng mga propeta, si Jesus na taga Nazaret, ang anak ni Jose. At sinabi sa kaniya ni Natanael, Mangyayari bagang lumitaw ang anomang magaling na bagay sa Nazaret? Sinabi sa kaniya ni Felipe, Pumarito ka at tingnan mo. Nakita ni Jesus si Natanael na lumalapit sa kaniya, at sinabi ang tungkol sa kaniya, Narito, ang isang tunay na Israelita, na sa kaniya'y walang daya! Sinabi sa kaniya ni Natanael, Saan mo ako nakilala? Si Jesus ay sumagot at sinabi sa kaniya, Bago ka tinawag ni Felipe, nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos, ay nakita kita. Sumagot si Natanael sa kaniya, Rabi, ikaw ang Anak ng Dios; ikaw ang Hari ng Israel. Si Jesus ay sumagot at sinabi sa kaniya, Dahil baga sa sinabi ko sa iyo, Kita'y nakita sa ilalim ng puno ng igos, kaya ka sumasampalataya? makikita mo ang mga bagay na lalong dakila kay sa rito. At sinabi niya sa kaniya, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Makikita ninyong bukas ang langit, at ang mga anghel ng Dios na nagmamanhik-manaog sa ulunan ng Anak ng tao.