Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Hari ng Israel, at ng kaniyang Manunubos, na Panginoon ng mga hukbo, Ako ang una, at ako ang huli; at liban sa akin ay walang Dios. At sino, na gaya ko, tatawag, at magpapahayag, at magaayos sa ganang akin, mula nang aking itatag ang matandang bayan? at ang mga bagay na dumarating, at ang mangyayari, ay ipahahayag nila. Kayo'y huwag mangatakot, o magsipangilabot man: hindi ko baga ipinahayag sa iyo nang una, at ipinakilala? at kayo ang aking mga saksi. May Dios baga liban sa akin? oo, walang malaking Bato; ako'y walang nakikilalang iba. Silang nangagbibigay anyo sa larawang inanyuan ay walang kabuluhan silang lahat; at ang kanilang mga bagay na kinaluluguran ay hindi mapapakinabangan: at ang kanilang sariling mga saksi ay hindi nangakakakita, o nangakakaalam man: upang sila'y mangapahiya. Sino ang naganyo sa isang dios, o bumubo ng larawang inanyuan na di pakikinabangan sa anoman? Narito, lahat niyang kasama ay mangapapahiya; at ang mga manggagawa ay sa mga tao: mapisan sila, magsitayo sila; sila'y mangatatakot, sila'y mangahihiyang magkakasama. Ang panday bakal ay gumagawa ng palakol, at gumagawa sa mga baga, at inaanyuan yaon sa pamamagitan ng mga pamukpok, at ginagawa yaon ng kaniyang malakas na bisig: oo, siya'y gutom, at ang kaniyang lakas ay nawawala; siya'y hindi umiinom ng tubig, at pata. Naguunat ang anluwagi ng isang pising panukat; kaniyang tinatandaan ng lapis; kaniyang inaanyuan sa pamamagitan ng mga katam, at kaniyang tinatandaan ng mga kompas, at inaanyuan ng ayon sa anyo ng tao, ayon sa kagandahan ng tao, upang tumahan sa bahay. Pumuputol siya sa ganang kaniya ng mga cedro, at kumukuha ng puno ng roble at ng encina, at pinatitibay sa ganang kaniyang sarili ang isa sa gitna ng mga punong kahoy sa gubat: siya'y nagtatanim ng puno ng abeto, at yao'y kinakandili ng ulan. Kung magkagayo'y ilalaan sa tao upang ipanggatong; at kumukuha siya niyaon, at nagpapainit; oo, kaniyang pinaliliyaban yaon, at ipinagluluto ng tinapay: oo, kaniyang ginagawang isang dios, at sinasamba; ginagawa niyang larawang inanyuan, at pinagpapatirapaan. Kaniyang iginagatong ang bahagi niyaon sa apoy; ang bahagi niyaon ay ikinakain niya ng karne; siya'y nagiihaw ng iihawin, at nabubusog: oo, siya'y nagpapainit, at nagsasabi, Aha, ako'y naiinitan, aking nakita ang apoy: At ang labis niyaon ay ginagawa niyang dios, sa makatuwid baga'y kaniyang larawang inanyuan: kaniyang pinagpapatirapaan at sinasamba, at dinadalanginan, at nagsasabi, Iligtas mo ako; sapagka't ikaw ay aking dios. Hindi sila mangakakaalam, o nagsisigunita man: sapagka't ipinikit niya ang kanilang mga mata, upang sila'y huwag mangakakita; at ang kanilang mga puso, upang huwag silang mangakaunawa. At walang nagpapaalaala o mayroon mang kaalaman, o unawa upang magsabi, Aking iginatong ang bahagi niyaon sa apoy; oo, ako naman ay nagluto ng tinapay sa mga baga niyaon; ako'y nagihaw ng karne at kinain ko: at gagawin ko baga ang nalabi niyaon na pinaka kasuklamsuklam? magpapatirapa baga ako sa puno ng isang punong kahoy? Siya'y kumain ng abo: iniligaw siya ng nadayang puso, at hindi niya mailigtas ang kaniyang kaluluwa, o makapagsabi, Wala bagang kabulaanan sa aking kanang kamay? Iyong alalahanin ang mga bagay na ito, Oh Jacob, at Israel; sapagka't ikaw ay aking lingkod: aking inanyuan ka; ikaw ay aking lingkod: Oh Israel, ikaw ay hindi ko malilimutan. Aking pinawi na parang masinsing ulap ang iyong mga pagsalangsang, at, parang alapaap, ang iyong mga kasalanan: manumbalik ka sa akin; sapagka't tinubos kita. Magsiawit, Oh kayong mga langit, sapagka't nilikha ng Panginoon; kayo'y magsihiyaw, mga lalong mababang bahagi ng lupa: kayo'y magbiglang magsiawit, kayong mga bundok, Oh gubat, at bawa't punong kahoy na nandiyan: sapagka't tinubos ng Panginoon ang Jacob, at magpapakaluwalhati sa Israel.