At itiningin ni Jacob ang kaniyang mga mata at tumingin, at, narito, si Esau ay dumarating, at kasama niya'y apat na raang tao. At kaniyang binahagi ang mga bata kay Lea at kay Raquel, at sa dalawang alilang babae. At inilagay niya ang mga alila na kasama ng kanilang mga anak na pinakapanguna, at si Lea na kasama ng kaniyang mga anak na pinakapangalawa, at si Raquel at si Jose na pinakahuli. At siya naman ay lumagpas sa unahan nila, at yumukod sa lupa na makapito, hanggang sa nalapit sa kaniyang kapatid. At tumakbo si Esau na sinalubong siya, at niyakap siya at niyapos siya sa leeg, at hinagkan siya: at nagiyakan, At itiningin ni Esau ang mga mata niya, at nakita ang mga babae at ang mga bata, at sinabi, Sinosino itong mga kasama mo? At kaniyang sinabi, Ang mga anak na ipinagkaloob ng Dios sa iyong lingkod. Nang magkagayo'y nagsilapit ang mga alilang babae, sila at ang kanilang mga anak, at nagsiyukod. At lumapit din si Lea at ang kaniyang mga anak, at nagsiyukod: at pagkatapos ay nagsilapit si Jose at si Raquel, at nagsiyukod. At kaniyang sinabi, Anong palagay mo sa buong karamihang ito na nasumpungan ko? At kaniyang sinabi, Nang makasundo ng biyaya sa paningin ng aking panginoon. At sinabi ni Esau, Mayroon akong kasiya; kapatid ko, ariin mo ang iyo. At sinabi sa kaniya ni Jacob, Hindi, ipinamamanhik ko sa iyo, na kung ngayo'y nakasundo ako ng biyaya sa iyong paningin, ay tanggapin mo nga ang aking kaloob sa aking kamay: yamang nakita ko ang iyong mukha, na gaya ng nakakakita ng mukha ng Dios, at ikaw ay nalugod sa akin. Tanggapin mo, ipinamamanhik ko sa iyo, ang kaloob na dala sa iyo; sapagka't ipinagkaloob sa akin ng Dios, at mayroon ako ng lahat. At ipinilit sa kaniya, at kaniyang tinanggap.